VHONG

PASIKLABAN sa pagpapatawa, pagpapatili at pananakot ang ensemble cast ng 2015 Metro Manila Film Festival entry na Buy Now, Die Later (BNDL) na pinagbibidahan nina Vhong Navarro, John “Sweet” Lapus, Rayver Cruz, Alex Gonzaga, Janine Gutierrez at Lotlot de Leon. 

Naiibang kuwento ng misteryo, kababalaghan at psychological thriller ang BNDL dahil umiikot ito sa limang pandama o senses ng tao – paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa, pandamdam. Nakipagkasundo sila sa isang mahiwagang tao na may-ari ng isang curio shop na nagtitinda ng eclectic items mula sa ordinaryo hanggang sa hindi pangkaraniwan. Bawat bilhin ng tauhan sa istorya ay may kapalit na kabayaran.

Ang bawat bida ng pelikula ay magiging kinatawan ng bawat sense. Si Vhong sa sense of sight; si Sweet sa sense of smell; si Rayver sa sense of taste; si Alex sa sense of hearing; at ang mag-inang Janine at Lotlot sa sense of touch. Makakamit nila ang hangad na tagumpay sa buhay at career na pinasok subalit hindi sila basta-basta makakakalas sa kasunduan sa may-ari ng shop na si Santi (TJ Trinidad).

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Isang online blogger si Vhong bilang si Odie. Gusto niyang maging kasing-sikat ng amang photo-journalist. Nakabili siya ng isang high-end celfone mula sa shop ni Santi at sa paggamit niya ng application sa phone, nakaka-scoop siya ng malalaking balita na nagpatingkad ng pangalan niya. Sa halip na matuwa sa scoops na nailalabas niya sa kanyang website, binalot ng hiwaga ang katauhan niya nang simulan niyang imbestigahan ang scoops na natutuklasan niya.

Kaibigan ni Ogie si Ato (Rayver), ang kumakatawan ng sense of taste. May-ari siya ng restaurant na Taste Buds. Nauna na siyang nakipag-deal kay Santi. Maraming parokyanong kumakain sa resto niya dahil sa secret ingredients na inihahalo niya sa nilulutong ulam. Sa bandang huli ay personal niyang binayaran ang kanyang kasakiman.

Si Chloe naman si Alex na ambisyong maging sikat na singer kahit sintunado ang boses. Sa tulong ng ina, nakipagkasundo ang huli kay Santi upang sumikat ang anak. Isang celfone ang ibinigay sa kanya at sa paggamit ng isang “app”, gumaganda ang boses niya. Kaya instant hit ang una niyang single na “Alive na Alive ang Puso Ko, Dahil Deads na Deads Ako Sa ‘Yo.” Pero, fame comes with a price. Dahil sa application na ‘yon, nataranta si Chloe sa mga mahiwagang boses na kanyang naririnig na nasa loob nito.

Si Sweet naman ang representative ng sense of smell. Siya ang bading na si Pippa naka-relate sa music ni Chloe.

Crush na crush niya si Narciso na ginampanan ni Manuel Chua. Pero mas type ng lalaki ang kakambal niyang si Larra (Cai Cortez). Isang pabango ang nabili niya kay Santi at bawat spray niya sa mukha at katawan, lahat ng lalaki ay nagkakagusto sa kanya. Sa kagustuhang habulin siya ng mga lalaki, hindi sinasadyang naibuhos ang pabango sa katawan, hinabol tuloy siya ng lahat ng mga lalaki – buhay man o patay na.

Sense of touch naman ang niri-represent ng mag-inang Lotlot at Janine. Bilang si Maita (Lotlot) nakiusap siya kay Santi na ibalik na sa normal ang buhay ng anak na si Chloe. Isang counter-offer ang inalok sa kanya ni Santi – ang ibalik siya sa pagkabata upang ipagpatuloy ang naudlot na career. Isang cream ang ibinigay kay Maita at paggamit niya nito, iniluwa ang teenager na si Janine. Nagpakalunod si Maita sa bagong katawan subalit nanaig pa rin ang pagmamahal sa sarili’t anak dahil sa limitasyong ibinigay ni Santi kaya naman tinalikuran niya ang kasunduang tinanguan.

Sa bandang huli, hinarap at nilabanan nina Odie, Chloe, Pippa at Maita ang kampon ni Santi upang masugpo ang paghahasik pa niya pa lagim sa ibang mahihinang nilalang!

For the first time, nagsama-sama ang magagaling na artista sa MMFF entry ng Quantum Films, MJM Productions, Inc., Tuko Film Productions at Buchi Boy Films. Sila rin ang nasa likod ng isa pang filmfest entry na Walang Forever nina Jennylyn Mercado at Jericho Rosales, at ng 2014 surprise blockbuster na English Only, Please.

Mula sa direksyon ni Randolph Longjas ang Buy Now, Die Later na siyang nagdirihe ng pinag-usapang comic indie film na Ang Turkey Man ay Pabo Rin. (ADOR SALUTA)