DALAWANG buwan na ang nakalipas matapos dukutin ng Abu Sayyaf ang dalawang Canadian, isang Norwegian, at isang Pilipina mula sa isang beach resort sa Island Garden City of Samal sa pusod ng Davao Gulf. Sa panahong ito, minaliit ng tagapagsalita ng Malacañang ang kidnapping bilang “a very isolated case.”
Sa mga sumunod na linggo ay wala nang narinig tungkol sa pagdukot. Hanggang sa isinapubliko ng Abu Sayyaf ang mga litrato ng mga bihag nito, napaliligiran ng mga armadong lalaki na nakamaskara, at isa sa mga ito ang may hawak na bolo malapit sa leeg ng isa sa mga bihag. Sa larawang iyon na lumabas sa mundo sa pagkalat sa Internet, nakumpirma ang pinakamatindi nating kinatatakutan.
Kasabay ng paglabas ng litrato ang paghingi ng grupo ng mga suspek ng P3-bilyon halaga ng ransom para sa tatlong dayuhan. At nitong Lunes, inihayag ng Abu Sayyaf ang pagpapalaya nito sa dalawang Malaysian na dinukot ng grupo noong Mayo, makaraan umanong magbayad ang mga pamilya ng mga biktima ng P30 milyon.
Nang unang iulat ang pagdukot sa Samal noong Setyembre, pinangambahan ang magiging epekto nito sa turismo at pamumuhunan sa Mindanao. Totoo namang paano magiging “more fun in the Philippines” kung ang dinadagsa ng mga turista na Samal, ilang minutong biyahe lang ng ferry mula sa Davao City, ay walang kahirap-hirap na napasok ng armadong grupo na may kaugnayan sa Islamic State sa Middle East? Bawat araw na lumilipas ay tumitindi ang panganib sa mga buhay ng mga biktima, habang lumilinaw ang pananaw na mistulang inutil ang gobyerno sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa mga hangganan nito.
At wala pang linaw ang magiging kahihinatnan ng lahat. Ang dalawang Malaysian ay binihag sa loob ng anim na buwan bago napagkasunduan ang tungkol sa ransom. Sa pagdukot noong 2001 sa mga Burnham sa Palawan, inabot ng isang taon bago nailigtas ng militar si Grace Burnham, ngunit napatay ang asawa niyang misyonero sa nasabing operasyon.
Kailangan na siguro nating tigilan ang pagkakuntento sa kaparehong tagal ng panahon ng kawalang katiyakan sa kasasapitan ng mga biktima ng pagdukot sa Samal. Malinaw na maraming kailangang baguhin sa pagpapatupad ng seguridad sa Mindanao. Sa ngayon, mas makabubuti rin na tigilan na ng tagapagsalita ng gobyerno ang pagsasabing ang mga pagdukot na ito at iba pang katulad na pangyaari ay “isolated cases” lamang.