MAKALIPAS ang dalawang taon, ganoon pa rin daw ang kalagayan ng mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’.
Lugaw pa rin umano ang kanilang kinakain at sa ilalim ng mga tolda nakatira.
Bilyun-bilyong salapi ang natanggap na tulong ng iba’t ibang bansa para rito. Ang kabuuang tulong ay hindi nakarating sa mga biktima.
***
Ang ipasusuot pala sa mga darating na delegado ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) ay Barong Tagalog. Iyon ay para sa mga lalaki, sa mga babae siguro ay Patadyong.
***
Ipinasisibak ni Sen. Grace Poe ang mga kurakot na opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa mga nasamsam na baril, bala, refrigerator, telebisyon at kung anu-ano pa.
“Ma’am,” huwag po muna ngayon. Hintayin nating may makumpiska silang kanyon.
Samantala, ayaw pala ni Sen. Grace na magpa-DNA pa si Sen. Bong-bong para malaman kung may relasyon sila o kung magkapatid.
Wag na raw, sabi ni Grace. Natitiyak kasi ni Sen. Grace na hindi sila magkapatid. Kasi kung siya ay pinagbibintangan AMERIKANO, si Sen. Bong-bong ay ILOKANO.
***
Foundation Day kamakailan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA. Nagparada sila sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Hindi sila puwedeng sa Edsa magdaos ng parade dahil siguradong magkakalintik-lintik ang trapik. Kasama sa parada ang dalawang bagong commuter boath, ang M/B Tolentino at M/B Inosentes. Kapag nakabili pa sila ng bagong commuter boath malamang na ang ipangalan ay M/B Sexy Dancers.
***
Bawal daw maglayag sa Manila Bay dahil sa APEC. Marami ring bawal daanan sa mga lansangan dahil. At bawal din ang street dwellers.
Bawal din kaya ang magkasakit at mamatay dahil sa APEC?
Ayon kay Sen. Ping Lacson, hindi umano ginagampanan ng mga ahensiyang nakatalaga ang mga tungkulin para sa rehabilitasyon ng mga sinalanta ng bagyong Yolanda. Meaning, hindi nagtatrabaho.
Bakit, uso pa ba sa “Tuwid na Daan” ang magtrabaho? Hindi ba ang uso lamang ay ang sumuweldo at ipagtanggol si President Aquino?
BIRONG PINOY
PEDRO: Iba talaga ang Pilipinas sa ibang bansa, pare.
JUAN: Bakit, pare?
PEDRO: Kasi sa ibang bansa kapag tapos na ang term ng isang pangulo NAGPAPAHINGA na. Sa Pilipinas, kapag tapos na term ng pangulo IKINUKULONG na. (ROD SALNDANAN)