“Suwabe at walang sablay.”

Ito ang target ni Pangulong Aquino sa inilatag na preparasyon ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa susunod na linggo matapos bisitahin ng Punong Ehekutibo ng mga lugar na pagdarausan nito.

Inatasan ng Pangulo ang mga awtoridad na paigtingin ang paghahanda para sa maayos na pagsasagawa ng regional summit na gaganapin sa Maynila, ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr.

“In general, he (President Aquino) said it would be well for all to review all salient aspects of preparations and continually fine-tune and improve these to ensure flawless and seamless flow of events during the economic leaders’ meeting next week,” pahayag ni Coloma.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Noong Martes, ininspeksiyon ng Pangulo ang mga lugar na pagdarausan ng APEC meeting, kabilang ang Philippine International Convention Center (PICC), kaugnay ng ginagawang paghahanda ng gobyerno sa naturang pagpupulong.

Binisita rin ni Aquino ang Mall of Asia Arena, na roon idaraos ang welcome dinner para sa mga leader ng mga bansang makikilahok sa APEC meeting, at ang Ninoy Aquino Internationl Airport (NAIA) Terminals 1, 2 at 3.

Kasama ni Aquino sa ocular inspection sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., Tourism Secretary Ramon Jimenez, Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson at iba pang miyembro ng organizing committee.

Kabilang sa mga state leader na dadalo sa APEC meeting ay sina US President Barack Obama, Chinese President Xi Jinping, Japanese Prime Minister Shinzo Abe, at Russian President Vladimir Putin. (Genalyn D. Kabiling)