CABANATUAN CITY - Dahil sa hindi pagsunod sa mga regulasyong ipinatutupad ng Social Security System (SSS), daan-daang pensiyonado ang hindi nakatanggap ng buwanang pensiyon mula sa nasabing ahensya simula pa noong nakaraang buwan.

Marami sa mga pensiyonado ang nagtaka na hindi na sila nakatatanggap ng pensiyon sa over-the-counter at mga ATM card mula sa mga bangkong itinalaga ng ahensiya para sa pagkuha ng pensiyon.

Ayon kay SSS Cabanatuan City Branch Manager Primitivo Gravania, Jr., ang hindi pagsunod ng mga pensiyonado ay nagresulta sa pagtigil ng pagre-release ng mga tseke mula sa SSS Central Office sa Quezon City, kaya dumagsa ang reklamo.

Aniya, nagkulang ang nasabing mga pensiyonado sa hindi pagko-comply na i-update ang requirements na nakasaad sa Annual Confirmation of Pensioner’s Form (ACOP), kung buhay pa o lumipat ng bahay ang retirado.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Gravania na dapat sana ay noon pang Abril pinutol ang pagpapalabas sa mga tseke ng retirees,

subalit binigyan pa ng palugit hanggang nitong Oktubre.

Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga apektadong pensiyonado na personal na magtungo sa alinmang sangay ng SSS para sa personal appearance upang mapabilis ang proseso ng kani-kanilang claims at ma-reinstate ang pensiyon sa loob ng dalawang buwan. (Light A. Nolasco)