MALOLOS CITY, Bulacan – Nag-alok ang mga kaanak at mga kaibigan ng napatay na si Bulacan Regional Trial Court Branch 84 Judge Wilfredo Nieves sa sinumang makapagbibigay ng A-1 information na makatutukoy sa pagkakakilanlan ng mga armadong lalaki na nag-ambush at nakapatay sa hukom sa MacArthur Highway sa Barangay Tikay sa lungsod na ito, nitong Miyerkules ng hapon.
Kasabay nito, inihayag ni Bulacan Police Provincial Office director Senior Supt. Ferdinand Divina na bumuo na sila ng isang special investigation task group na magsusulong ng mahahalagang lead para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ayon sa paunang ulat ng pulisya, dakong 4:00 ng hapon nitong Miyerkules nang lisanin ni Nieves ang Bulacan Hall of Justice sa kapitolyo.
Sinabi ng pulisya na posibleng sinundan ng mga suspek si Nieves palabas ng Bulacan RTC at pagsapit sa intersection malapit sa Malolos Industrial Park sa MacArthur Highway sa Barangay Tikay ay pinaniniwalaang nagbabaan mula sa kanilang mga sasakyan ang mga suspek, nilapitan ang Toyota Fortuner ng hukom at pinagbabaril ito.
Ayon sa mga imbestigador, agad na namatay si Nieves dahil sa mga tinamong tama ng bala ng baril sa noo, leeg at katawan.
Sinabi ni Divina na sinisikap ng Malolos City Police Station, na pinangunahan ni Supt. Arwin Tadeo, na makuha ang footage mula sa mga closed circuit television (CCTV) camera sa lugar upang makita ang hitsura ng mga suspek.
Abril 2012 nang hinatulan ni Nieves si Raymond Dominguez, isa sa mga hinihinalang leader ng isang car theft gang na kumikilos sa Metro Manila at Central Luzon, na makulong ng hanggang 30 taon.
Samantala, sa isang pahayag ay kinondena ng Integrated Bar of the Philippines-Central Luzon ang pagpatay kay Nieves at nanawagan sa awtoridad na gawin ang lahat upang mabigyang katarungan ang hukom. (FREDDIE C. VELEZ)