Napanatiling malakas nina International Master Rolando Nolte at Roel Abelgas ang kampanya ng mga Pilipinong woodpushers sa pagpapatuloy ng kambal na torneo ng National Chess Federation of the Philippines (NCF) sa Subic Bay Metrpolitan Authority sa loob ng Olongapo City sa Zambales.

Nakapagtipon sina Nolte at Abelgas ng kabuuang 3 puntos matapos ang limang round upang makisalo sa anim na kataong 9th to 14th place sa ginaganap na Philippine International Chess Championship kung saan nakataya ang Open at Challenger Divisions na nagsimula noong Nobyembre 9 at matatapos sa Nobyembre 14.

Base sa tiebreak ay nasa ika-13 puwesto na si Nolte (2417) habang nasa ika-14 naman si Abelgas (2316).

Sumusunod naman sa kanila sa ika-15 puwesto si GM Eugene Torre na kasama sa walo kataong may natipon na 2.5 puntos na kinabibilangan din nina GM Darwin Laylo, GM Antonio Rogelio Jr., GM Richard Bitoon, IM Yves Ranola, IM Paulo Bersamina at ang hindi kilala bagaman bitbit ang bandila ng Pilipinas na si Michael Gotel.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang naghahangad naman makamit ang opisyal niyang titiulo bilang Grandmaster na si Haridas Pascua ay nasa ika-26 na puwesto sa natipong 2 puntos habang ang Women International Master na si Janelle Mae Frayna ay nasa 29th puwesto na may 1.5 puntos kasama si IM Oliver Dimakiling.

Asam ni Pascua na maabot ang ELO rating na 2500 para opisyal na makuha ang titulo na full-pledged Grandmaster na igagawad ng FIDE habang si Bersamina ay kailangan ng dalawa pang norm.

Hangad ni Frayna na masungkit ang kanyang ikatlo at huling norm bilang kauna-unahang Women Grandmaster ng bansa na magkakaroon ng katuparan kung makatipon siya ng kabuuang 38 puntos.

Nangunguna naman sa torneo si GM Abhijeet Gupta ng India (2633) na may natipon nang 4,5 puntos kasunod si IM Chen Lin ng China (2520) na may 4 na puntos. (Angie Oredo)