IPINAGDIRIWANG ng National Bureau of Investigation (NBI), ang pangunahing sangay sa pagsisiyasat ng gobyerno, ang ika-79 na anibersaryo nito ngayon Nobyembre 13. Nasa ilalim ng Department of Justice, ang NBI ay isang “mahalagang kasangga sa pagtataguyod ng katotohanan at katarungan”.

Pangunahing nitong tungkulin ang imbestigahan at tukuyin ang mga krimen at iba pang paglabag laban sa mga batas ng Pilipinas, alinsunod sa motto ng ahensiya na “Nobility, Bravery, and Integrity.”

Ang moderno nitong scientific crime laboratory, forensic science division, at research service ay tumutulong sa pagpapabilis ng imbestigasyon at pagresolba sa mga kasong kriminal, saklaw ng hurisdiksiyon nito ang buong bansa, at may kapangyarihan at kakayahan na magsiyasat sa mga kaso sa lahat ng lalawigan, siyudad at munisipalidad.

Ang NBI special operations group ay eksperto sa pangangalap ng intelligence information; ang ilan sa mahuhusay at sinanay nitong agent ay eksperto sa prosekusyon at pagpapatupad ng batas. Nakikipagtulungan ito sa pambansa at lokal na pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at nagkakaloob ng ayudang teknikal sa mga korte.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagbibigay ng linaw sa mga detalye ng krimen at iba pang impormasyon para magamit ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas, nagpapalabas din ang NBI ng mga clearance para sa pagtatrabaho at pag-a-abroad. Daan-daang Pilipino ang nagtutungo sa pangunahing tanggapan nito o sa mga satellite office araw-araw upang makakuha ng nasabing mahalagang dokumento. Upang mas mahusay na mapagsilbihan ang publiko, gumagamit na ngayon ang NBI ng natatanging biometric clearance system sa pagbubukas nito ng 63 satellite clearance center sa bansa, 16 sa mga ito ay sa mga rehiyon, 22 sa mga district office, 11 sa mga lokal na pamahalaan, at ang iba pa ay nasa mga shopping mall.

Simula noong nakaraang taon, ang mga bagong aplikante at magsisipag-renew ng NBI clearance ay dapat na sagutin at isumite ang isang form na makukuha sa www.doj.gov.ph o sa www.nbi.gov.ph. Ang mga Pilipino naman na nasa ibang bansa na nais mag-apply para sa clearance at sineserbisyuhan sa embahada o konsulado ng Pilipinas sa bansa na kinaroroonan nila.

Ang NBI ay ang Department of Investigation (DI) na itinatag noong Nobyembre 13, 1936, sa bisa ng Commonwealth Act No. 181. Ginaya sa Federal Bureau of Investigation, ang paunang puwersa ng ahensiya ay binubuo ng 45 operatiba, at isang grupo ng mga sibilyan na kinabibilangan ng mga doktor, chemists, fingerprints technicians, photographers, at stenographers. Noong panahon ng Hapon, ang DI, tawag sa Bureau of Investigation, ay nakaugnay sa Bureau of Internal Revenue at Philippine Constabulary. Makaraang maging malaya ang bansa sa pananakop, ang mga DI agent ay ni-recruit ng US Army bilang mga imbestigador. Noong Hunyo 19, 1947, muli itong inorganisa, alinsunod sa Republic Act 157, at inamyendahan ng Executive Order 94 noong Oktubre 4, 1947, hanggang sa ang pangalan ng ahensiya ay gawing NBI.