Tinalo ng defending champion National University ang University of the Philippines, 87-39, upang makahakbang palapit sa asam nilang outright Finals berth sa UAAP Season 78 women’s basketball tournament sa Blue Eagle gym.

Muling nagpamalas ng solidong laro si reigning MVP Afril Bernardino makaraang tumapos na may 16 puntos, 12 rebounds at 4 na assists habang nag-ambag naman ang kapwa national player na si Shelley Gupilan ng 15 puntos nang hatakin ng Lady Bulldogs ang kanilang winning run sa 13 laro at ika-29 na pangkalahatan mula noong nakaraang taon.

Dahil dito, isang panalo na lamang ang kailangan ng tropa ni coach Patrick Aquino upang makausad ng diretso sa kampeonato at makamit ang bentaheng thrice-to-beat.

Sa iba pang laro, nag-deliver naman ng mga kinakailangang baskets sa final stretch si Camille Claro upang pamunuan ang De La Salle tungo sa 63-58 na panalo kontra Ateneo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dahil dito, umangat ang Lady Archers sa barahang 12-1, panalo-talo at magtatangka silang pigilan ang hangad ng Lady Bulldogs na diretsong pumasok ng finals bilang huling katunggali ng mga ito sa pagtatapos ng elimination round.

Nagposte si Ara Abaca ng 16 puntos habang nagdagdag si Alyanna Vergara ng 14 puntos at double-double 10 puntos at 10 rebounds naman si Ana Castillo para sa Lady Archers na hinatak din ang sarili nilang winning run sa 12 laban matapos mabigo sa una nilang laban noong opening day sa kamay ng NU.

Naging maigting naman ang agawan ng University of the East at University of Santo Tomas para sa ikatlong semifinals berth makaraang magsipagwagi sa kani-kanilang mga nakatunggali.

Umiskor si Ruthlaine Tacula ng 20 puntos habang nagdagdag si Eunique Chan ng 12 puntos at 15 rebounds nang padapain ng Lady Warriors ang Adamson University Lady Falcons, 67-42,habang nagtala naman ng 17 puntos si Candice Magdaluyo at double-double 14 puntos at 12 rebounds naman si Bettina Penaflor nang sakmalin ng Tigresses ang out of contention ng Far Eastern University Lady Tamaraws, 66-53.

Dahil dito, kapwa umangat ang UE at UST sa barahang 6-7, panalo-talo at nakatakda nilang pag-agawan ang ikatlong semifinals berth sa laban nila sa Linggo.

Dahil sa pagkatalo, bumagsak ang Lady Eagles sa barahang 5-8, panalo-talo para sa ikaanim na puwesto ngunit may tsansa pa ring makapasok ng semis sa pamamagitan ng playoff sa matatalo sa pagitan ng Lady Warriors at Tigresses.

Kapwa naman namaalam na sa kontensiyon ang Lady Maroons at Lady Falcons matapos bumagsak sa barahang 4-9 at 2-11 ayon sa pagkakasunod. (Marivic Awitan)