Plano ng Dumper Party-list, na binubuo ng mga asosasyon ng mga taxi driver, na kasuhan ang isang Facebook user na nag-post ng kuryenteng impormasyon hinggil sa pagkakasangkot ng taxi driver na si Ricky Milagrosa sa ‘tanim bala.’

Matatandaan na naging viral sa Facebook ang ipinaskil ni Julius Habana, na nag-aakusa kay Milagrosa ng pagtatanim ng bala sa bagahe ng kanyang kaibigan na sumakay sa Vigil Taxi (UVK-190) patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Oktubre 29, 2015.

“Muntik nang madale ang kasamahan kong seaman papuntang NAIA. Buti napansin niya (na may) nilagay ang driver sa bag (niya) nag-(text) sa akin kung anong gawin niya. Nag-advise ako na ‘wag nang tumuloy sa airport, dumaan na lang sa boarding house ko,” saad sa post ni Habana sa kanyang Facebook account na pinagpiyenstahan ng mga netizen.

Subalit nang dininig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kontrobersiya, tanging si Milagrosa at ang kanyang taxi operator ang dumalo sa hearing upang ihayag ang kanilang panig.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Samantala, tumanggi namang magpakita o sumagot sa mga tawag ng LTFRB si Milagrosa.

Sinabi ni Fermin Octobre, founder ng Dumper, na nakikipag-ugnayan na sila kay Milagrosa at sa operator nito bilang paghahanda sa paghahain ng kaso laban kay Habana, sa tulong ng Public Attorney’s Office.

“Hindi basta-basta dapat nagsasabi ng hindi totoo ang mga tao,” giit ni Octobre. “Sira na nga ang reputation namin dahil sa pagnanakaw na ginawa ng ilang taxi drivers noong November at December, tapos nangyari pa ito.”

Umaasa si Octobre na makakamit nila ang hustisya sa paghahain ng kaso laban kay Habana dahil sa masamang epekto na idinulot ng FB comment nito sa hanay ng mga taxi driver. (CZARINA NICOLE ONG)