Nakahandang maglaro muli para sa pambansang koponan sa beach volleyball si Fiola Ceballos ng Foton Tornadoes kung kukunin ang kanyang serbisyo ng Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) para maging kinatawan ng bansa sa “Spike for Peace” International Women’s Beach Volleyball tournament na inoorganisa ng Philippine Sports Commisison.

“Gustong-gusto ko po na i-represent ang Pilipinas lalo sa international tournament,” sabi ng magandang si Ceballos, na ilang beses tinanghal na beach volley champion habang nag-aaral pa sa Central Philippines University (CPU).

“Sana po, ipagpaalam nila ako sa aking mother team na Foton Tornadoes,” sabi pa ni Ceballos, habang umaasang makakasama nito ang dating kapareha at kapwa Ilongga na si Jovelyn Gonzaga na kasalukuyan namang naglalaro para sa Philippine Army.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Una nang sinabi ni PSC consultant for beach volleyball Eric LeCain na hiniling nito sa LVPI na makuha ang serbisyo nina Gonzaga at Alyssa Valdez ng Ateneo para maging kinatawan ng bansa.

Ngunit kung hindi papahintulutan ang reigning UAAP 2-time MVP na si Valdez, nais nito na makasama si Ceballos bilang kapalit.

“Ideally, it will be good if Jovelyn (Gonzaga) will be reunited and be paired again with Ceballos for they have been together playing beach volleyball,” sabi ni LeCain.

Ang indoor beach volleyball tournament ay isasagawa naman simula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3 sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ilan sa mga dayuhang koponan na nagkumpirma ng paglahok ang Australia, New Zealand, Spain, Sweden, Canada, United States at Brazil. Hinihintay din ng PSC ang kumprimasyon ng mga inimbitahan nitong koponan mula sa China, Indonesia at Thailand. (Angie Oredo)