Patuloy ang pamamayagpag ng Filipinong boxer na si one-time world title challenger Czar Amonsot nang patulugin niya sa unang round si Thai welterweight Wiraphot Phaennarong kamakalawa ng gabi sa labang ginanap sa Melbourne, Victoria, Australia.
Hangad ni Amonsot na umangat pa siya sa WBA rankings bilang PABA at WBA Pan African super lightweight titlist kaya hindi niya binigyan ng pagkakataon si Phaennarong na kaagad niyang pinabagsak sa matinding kombinasyon at na-groggy ang Thai boxer kaya kaagad itinigil ni Aussie referee Malcolm Bulner ang laban.
May rekord na 12-0-2 win-loss-draw na kinabibilangan ng walong knockouts si Amonsot mula nang matalo kay World Boxing Union super lightweight titlist Michael Katsidis ng Australia sa kanilang laban para sa interim WBO lightweight title noong 2007 sa Las Vegas, Nevada.
Nagsilbing undercard ang laban ni Amonsot sa masaklap na pagkatalo ni two-division world champion Anthony Mundine ng Australia via 11th round TKO sa Amerikanong si Charles Hatley na nagpasiya nang magretiro sa boksing sa edad na 40 anyos.
Kasalukuyang No. 11 contender si Amonsot kay WBA super lightweight titlist Adrien Bonner at naghihintay lamang siya ng huling pagkakataon para mapalaban sa kampeonatong pandaigdig. (Gilbert Espeña)