TELANG Piña ng Aklan, ang kakaibang hibla mula sa Aklan, ang magiging pangunahing materyales para sa Barong Tagalog na susuotin ng mga lider at kani-kanilang mga asawa na dadalo sa 2015 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Summit Nobyembre 18 hanggang 19 sa Maynila kung saan ang Pilipinas ang magiging punong-abala.

Ang power dress at pambansang kasuotan ng Pilipino, ang Barong Tagalog, ay sumasalamin sa kultura ng ating bansa.

Sina US President Barak Obama, Japan Prime Minister Shinzo Abe, Mexican President Enrique Peña Nieto, Thailand Prime Minister Prayuth Chan-Ocha, Malaysia Prime Minister Najib Razak, at Peru President Ollanta Humala ay kabilang sa APEC leaders na magsusuot ng espesyal na Barong Tagalog.

Ang La Herminia Piña Weaving Industry, isang kumpanya sa Kalibo na pag-aari ni Alan Tumbokon, ang nag-supply ng karamihan sa materyales na binubuo ng piña fiber at seda na mula naman sa Negros Occidental. Ayon kay DTI Aklan Provincial Director Diosdado Cadena, ang piña fiber na para sa espesyal na Barong Tagalog ay kabilang sa pulang Spanish type variety. Sinauna pang tradisyon ang paghahabi ng piña na isinasalin sa mga susunod na henerasyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hinahango ang fiber mula sa mga dahon ng katutubong pinya, itinatali sa pamamagitan ng kamay ang mga hibla at manu-manong hinahabi hanggang maging tela na malambot at makinis.

Mula sa piña fiber, kilala ang mga Aklanon sa pagdudulot ng elegante at kakaibang mga likha ng Barong Tagalog pati na ang mga trahe de boda, damit pang-opisina, balabal at iba pang kasuotan. Tumutubo ang pinya partikular sa mga munisipalidad ng Balete, Madalag, Libacao, Malinao, at sa Kalibo sa Aklan. Ang telang hinabi para sa APEC leaders at kani-kanilang mga asawa para sa kanilang simbolikon kasuotan ay kombinasyon ng piña, abaca at bulak.

Si Kalibo Mayor William Lachica ang pinuno ng implementing agency, nagtataguyod ng piña industry sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry. Ngayon, ang piña industry ng Aklan ay itinataguyod din ng Aklan Piña Man-Tra Industry Association sa ilalim ng liderato ni Ms. Anna India Dela Cruz Legaspi.

***

Ang Ariel’s Point, isa sa pinaka-exotic at pinakamainam na mga diving resort sa daigdig, na dating ipinasara ni Buruanga (Aklan) Municipal Mayor Quezon Labindao, ay normal nang kumikilos sa ilalim ng pamamahala ni retired US Navy officer Ariel Abriam. Pinigilan ng hukuman si Mayor Labindao sa pagsasara ng naturang resort na umaakit ng maraming turista mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig mahigit limang taon na ngayon. (JOHNNY DAYANG)