Tinatayang 360 kabataang delegado mula sa Southeast Asia at Japan, sakay ng 42nd Ship for Southeast Asian Youth Program (SSEAYP), ang dumating sa Manila noong Miyerkules para sa apat na araw na pagbisita na naglalayong palakasin ang mabuting pakikisama at pagbabahagi ng kultura.
Ang ASEAN ay binubuong Pilipinas, Brunei, Cambodia, Laos, Malaysia, Thailand, Indonesia, Myanmar, Vietnam, at Singapore.
Nasa ika-42 taon na, ang SSEAYP ay isang taunang diplomatic cultural exchange program para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at mga kabataang Japanese, na sama-samang naglalayag sa loob ng 51 araw sakay ng Japanese luxury ship na “MS Nippon Maru”.
“For 42 years, SSEAYP has remained faithful to its objective of fostering friendship and mutual understanding among the young people of Southeast Asia and Japan,” sabi ni National Youth Commission (NYC) Chairperson and Undersecretary Gio Tingson sa press briefing.
Ang paglalayag ngayong taon, itinakda mula Oktubre 27 hanggang Disyembre 18, ay dadalhin ang mga delegado sa Japan at limang kalahok na bansa kabilang ang Pilipinas, Vietnam, Lao PDR, Myanmar, at Malaysia, ayon sa pagkakasunod.
Sa kanilang pagbisita sa limang host countries, ipararanas sa mga delegado ang country-themed program na kinabibilangan ng pananatili sa mga tahanan, pakikisalamuha sa mga youth leader sa lugar, pagbisita sa mga kaugnay na institusyon at courtesy call sa mga lider ng estado.
Sinabi ni Tingson na ang Philippine leg (Philippine Country Program) ng SSEAYP, mula Nobyembre 11hanggang 14 ay isang magandang prelude sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Forum.
Ang Philippine delegation sa 42nd SSEAYP, pinangalanang “Saligan”, ay binubuo ng 27 kabataang Pilipino sa pangunguna ni University of the Philippines-Iloilo professor Alfredo Diaz.
Ang SSEAYP ay itinataguyod ng Gobyerno ng Japan, at ipinatutupad sa Pilipinas sa pamamagitan ng NYC. Inilunsad ito noong Enero 1974 bilang joint program ng Japan at ng mga bansang ASEAN. (PNA)