Hindi pinanghinaan ng loob at konsentrasyon ang weightlifter na si Ma. Nika Francisco matapos na mabokya sa kanyang kampanya noong nakaraang taon tungo sa paghugot ng tatlong ginto sa ginaganap na 2015 Philippine National Games (PNG) weightlifting competition sa Evelio B. Javier Freedom Park, San Jose Antique.

Bagsak sa lahat ng kanyang pagbuhat noong 2014, bumalik si Francisco taglay ang matinding determinasyon upang sungkitin ang pagkakataon na makamit ang kanyang ambisyon na maging miyembro ng pambansang koponan mula sa awtomatiko nitong pagkuwalipika sa gaganaping National Finals sa 2016.

“Isang good lift lang iyan noong 2014 sa 30kg sa snatch and then bad lift na lahat sa jerk,” sabi lamang ni Philippine Weightlifting Association (PWA) vice-president at tournament director Elbert Atilano Sr. “Pero ngayon ay good lift na lahat at improving pa sa lahat ng attempt,” sabi pa nito.

Isinagawa ng PWA na isang 5-in-1 National Championships ang torneo kung saan itinala ng 17-anyos mula Guiwan, Zamboanga City na si Francisco na sumali sa women’s 46 kilogram division na makabuhat sa 50kg sa snatch at 60kg sa clean and jerk para sa kabuuang 110kg at tanghaling kampeon sa Open, Collegiate at Youth Division.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Nagsikap po ako sa training kaya nagawa kong manalo ngayon,” sabi ni Francisco, na first year student mula sa Zamboanga Institute of Aviation and Technology sa kursong Aircraft Maintenance na malaki ipinagbago matapos mabokya noong nakaraang taon at hindi makagawa ng anumang record sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at may basbas ng Philippine Olympic Committee (POC) at ngayon ay suportado ni Antique GovernorRhodora J. Cadiao.

Natapos na rin ang women’s 44kg category kung saan si Ericka De Hitta ng Angono, Rizal na gold medalist sa 32kg noong 2014 ay bumuhat ng 40kg sa snatch at 48kg sa clean and jerk para sa 70kg total tungo sa mga ginto sa youth at secondary divisions.

“Nasa 75 gold medals at stake this year at expected namin na may matutuklasan kami matapos ang kompetisyon,” sabi pa ni Atilano Sr.

Samantala, apat na gintong medalya ang muling iniuwi ni Michael Ichiro Kong ng Cebu City sa ikalawang araw ng swimming competition upang itala ang bagong rekord sa Philippine National Games sa pagtatala ng perpektong 8-of-8 sa sinalihang event at paghablot ng kabuuang walong gintong medalya.

Tinabunan nito ang pitong gintong iniuwi ni Olympian Jessie Khing Lacuna na nakamit nito noong 2012 PNG at si Christian Paul Anor mula sa Pagadian City na sinundan ang pagsisid sa pitong gintong medalya sa isinagawa naman na 2015 PNG Mindanao Qualifying leg sa Pagadian City.

Nagwagi pa si Kong sa 200m freestyle (2:20.49s), 100m backstroke (1:11.32s), 100m Individual medley bago itinulak ang kinaaaniban na Cebu City sa ginto sa 200m freestyle relay (1:52.75s).

Iniuwi rin ng Cebu City ang 11 ginto mula sa nakatayang 13 pinaglabanan sa ikalawang araw ng torneo.

Kabilang sa nagwagi si Trina Caneda na mayroon kabuuang apat na ginto sa pagdagdag sa girls 200m freestyle (2:41.46s). Wagi si Jaymark Buslon sa boys 50m fly (29.20s), Bethmay Arellano sa girls 50m fly (33.48s), Nil Ernrico Miacarsos sa boys 200m breast (2:52.19s), Shane Allyene Pareja sa 200m breast (2:50.15s) at si Romilyn Nina Ignacio sa girls 100m back (1:23.66s) at 400m IM (6:32.47s).

Tanging nakawala sa Cebu City ang girls 200m free na napunta sa host Antique nina Jaymee Bungcasan, Pearl Frances Perlas, Arriane Kae Tubeza at Rikka Michel Duarte na may 2:12.41 oras at ang boys 1,500m freestyle na napagwagian ni Jjulian Ordanel sa oras na 21:04.20 segundo.

Iniuwi rin ng Antique ang gintong medalya sa women’s blitz mula kay Denny Canja na nagtipon ng apat na puntos habang pumangalawa sina Keith Claire Carlisle Morala ng Cebu City at Susan Grance Neri ng Aklan.

Napunta naman ang ginto sa men’s chess blitz sa Cebu City matapos magwagi si Jeffu Dorog sa apat na puntos. Kasunod si Henry Michael Infante ng Lapu-Lapu City at ikatlo si Glexan Derotas ng Cebu. (ANGIE OREDO)