Tulad ng dati.

Ganito inilarawan ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay ang kanilang pagkakaibigan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada nang bumisita ang huli sa Office of the Vice President (OVP) sa Coconut Palace noong Lunes.

“Ah, eh, kitang-kita naman n’yo mainit pa. Wala namang ipinagbago ‘yung samahan namin,” pahayag ng Bise Presidente sa mamamahayag bisitahin niya ang mga residente sa Tramo Street, Pasay City, sa kanyang ika-73 kaarawan nitong Martes.

Kabilang si Estrada sa mga bumati kay Binay, sa idinaos na pre-birthday celebration sa Coconut Palace.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ito ang unang pagkakataon na nakipagtagpo si Estrada kay Binay matapos ilunsad ng huli ang UNA bilang isang partido pulitikal noong Hulyo 1 sa Makati Coliseum, na dinaluhan naman ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.

Ang tatlong beteranong pulitiko ay binansagang “Tatlong Hari” ng oposisyon.

Una nang lumutang ang espekulasyon na inilaglag na ni Enrile si Binay matapos dumalo ang dating Pangulo sa party convention ng Makabayan bloc sa San Andres Sports Complex, na sumusuporta sa kandidatura sa pagkapangulo ni Sen. Grace Poe, noong Setyembre 30.

Ayon naman kay Sen. Gringo Honasan, na running mate ni Binay sa 2016: “I think actions speak louder ng words.”

(Ellson A. Quismorio)