KUMPIRMADONG dadalo si Chinese President Xi Jin-ping sa 23rd Asia Pacific Economic Cooperation Summit na gaganapin sa Maynila sa Nobyembre 17-19. Sana ay makapag-usap sila ni Pangulong Noynoy Aquino kahit walang naka-iskedyul na formal bilateral meeting ang dalawang Pangulo upang kahit papaano ay mapag-usapan ang isyu tungkol sa West Philippine Sea (South China Sea). Anong malay natin, baka matauhan ang presidente ng bansang may 1.3 bilyong populasyon upang maunawaan ang posisyon at situwasyon ng maliit na bansa tulad ng Pilipinas!

Noong Lunes, sa utos ng government prosecutor, pinalaya ang 12 taong nahuli sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagdadala umano ng bala sa kani-kanilang bagahe na mahigpit na ipinagbabawal sa paliparan. Gayunman, nakapagtatakang dalawa pang indibidwal, ang isa ay 71-anyos na nakatakdang salubungin ang pamangkin na galing sa Dubai, ang nahulihang may bala sa shoulder bag.

Ipinag-utos ni Pasay City Prosecutor Nolasco Fernandez ang pagpapalaya sa 12 biktima dahil sa kawalan ng probable cause. Ano ba talaga ang nangyayari sa ating paliparan na ipinangalan pa naman sa yumaong ama ni PNoy? Aba, baka bumangon si Sen. Ninoy Aquino mula sa tarmac at multuhin kayo d’yan. Talaga bang may “taniman ng bala” sa NAIA o talagang may tangang pasahero o probinsiyano na nagdadala ng bala bilang “amulet” o anting-anting?

Kaugnay nito, naniniwala si ex-Camarines Sur Rep.Luis Villafuerte na dapat patawan ng mabigat na parusa ang mga “manananim”, este tauhan ng NAIA, na responsable sa TALABA (tanim-laglag-bala) racket. Seryosong bagay ito na dapat pag-aralang mabuti ng Kongreso at gobyerno upang mapawi ang takot ng mga OFW at turista na magpunta sa ‘Pinas.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Totoo bang may ilang taon na raw itong nagaganap sa NAIA, eh, bakit ngayon lang nabunyag? Tinuligsa ni Villafuerte, kandidato ng Nationalist People’s Coalition (NPC), ang panukala sa Kamara na i-decriminalize ang pagdadala ng tatlong bala na matatagpuan sa bagahe ng pasahero.

“Hindi ito ang solusyon sa problema kundi ang mga “bullet-planter” na dapat parusahan at managot dahil pagdating ng pasahero sa US o ibang bansa, tiyak na huli rin ang pasahero dahil mas sopistikado ang kanilang screening at x-ray machines doon,” aniya.

Gayunman, makakalusot pa rin daw ang mga tiwaling tauhan ng NAIA kung sa halip na tatlo ay maglalagay ng apat na bala sa bagahe ng pasahero kaya makapangongotong pa rin. Ang solusyon ay mabigat na parusa sa mga bulok na tauhan ng Office of Transport Security, airport police, immigration at iba pa.

***

Pipilitin o pag-aaralan daw ni LP standard bearer Mar Roxas na ngumiti ngayon ng madalas upang mapawi ang persepsiyon na siya ay isang “wealthy snob.” Inihayag ni dating Mr. Palengke, isinilang na may “silver spoon” sa bibig, na hindi totoong siya ay isnabero at hindi batid ang pulso o damdamin ng mga mahihirap. (BERT DE GUZMAN)