Ilegal ang pagbili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga armas at equipment, kabilang na ang 12 fighter jet at walong combat utility helicopter, na ginastusan ng P24 bilyon, noong nakaraang taon.
Sa annual audit report ng Commission on Audit (CoA), binili ang nasabing mga kagamitang pandigma, alinsunod sa modernization program ng AFP.
Sinabi ng CoA na lumabag ang AFP sa umiiral na batas, partikular na sa RA 9184 (Government Procurement Reform Act), nang gumawa ito ng alternatibong paraan para sa pagbili ng kagamitan, lalo na sa armaments, mga behikulo at mga communication gear ng militar.
Ang pagbili ng mga jet fighter sa Korea Aerospace Industries ay isinagawa sa bisa ng kontratang may petsang Marso 21, 2014.
Nakipagkontrata rin ang AFP sa Canadian Commercial Corporation, na rito bibili ang gobyerno ng walong helicopter, at tatlo ang ide-deliver sa bansa ngayong taon.
Ayon sa CoA, hindi pumasa sa kanilang criteria for exemption sa pagsasagawa ng public bidding ang mga pinasok na kontrata ng AFP sa Korean suppliers. (Rommel P. Tabbad)