Hinarap kahapon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang isang malaking grupo ng Lumad na nagpoprotesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila laban sa umano’y pagmamalupit ng militar sa kanilang komunidad.

Nabatid na ang mga Lumad ay nagmula pa sa Mindanao, at nilisan ang kanilang komunidad upang maiwasang maipit sa labanan ng mga tropa ng gobyerno at ng New People’s Army (NPA).

Hinarap ng kanyang kabunyian ang mga katutubo upang pakinggan ang kanilang mga hinaing.

Kasunod nito, nanawagan ang Cardinal sa militar at sa National Democratic Front (NDF) na ideklarang “peace zone” ang mga lugar ng Lumad, na kasalukuyang nababalot ng karahasan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nanawagan pa siya sa gobyerno na pairalin ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga sundalo, at pagbuwag sa mga para-military group sa kanilang komunidad.

Bago ito, una nang inihayag ng Mindanao Indigenous People’s Conference for Peace and Development na umaabot na sa 400 ang napatay na Lumad mula 1980, na iniuugnay na kagagawan ng militar, NPA at iba pang mga armadong grupo.

Aniya, sinuman ang mga responsable sa pagkamatay ng mga lumad ay dapat kilalanin at panagutin sa batas.

Humirit pa si Tagle na magkaroon nang dayalogo ang mga nagbabanggaang grupo sa Mindanao upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga katutubo. (JUN FABON)