ISANG napakagandang balita ang inihayag ni Pangulong Aquino nitong Lunes. Isang panukalang batas ng administrasyon ang inihain sa Kongreso para itaas ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno. Layunin ng panukalang Salary Standardization Law IV na itaas ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno upang puwede nang makipagsabayan sa kinikita ng nasa pribadong sektor.
Ang panukalang umento ay ipagkakaloob sa susunod na apat na taon. Sa unang taon, P58 bilyon ang isinama sa National Budget para sa 2016, kaya ang dagdag-suweldo ay dapat na simulan sa Enero. Sa susunod na tatlong taon, taunan nang itataas ang suweldo, sa kabuuang apat na taong budget na P225.8 bilyon.
Nanawagan ang Pangulo sa Kongreso na aprubahan ang panukalang Salary Standardization Law IV at kapwa tiniyak nina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. na suportado nila ito. Walang inaasahang kokontra sa panukalang ito. Kung sakali mang may pumuna, marahil ito ay magsasabing dapat na pinaaga ang panukala.
Magiging epektibo ito sa huling anim na buwan ng anim na taong termino ni Pangulong Aquino.
Ngunit para sa oposisyon, ang timing ay may layuning makahimok ng suporta para sa pambato sa pagkapangulo ng Liberal Party na si Mar Roxas. Itinanggi na ito ni Budget Secretary Florencio Abad, ngunit tama lang na asahan ng LP ang mas maraming batikos na gaya nito habang papalapit ang pangangampanya, at mas maraming pondo ang ginagastos makalipas ang ilang buwan ng pagtitipid.
May kinalaman man o wala sa eleksiyon ang umento, buong-puso pa rin itong tatanggapin ng 1.53 milyong kawani sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, na napakalit ng kinikita kumpara sa mga nasa pribadong sektor. Makikita nang malinaw ang malaking pagkakaiba sa mas mataas na management levels. Kaya naman nahihirapan ang mga ahensiya ng gobyerno na mag-recruit at magpanatili ng mga senior technical staff at middle managers, ayon kay Secretary Abad.
Maaari ring ikonsidera ng mga opisyal ng administrasyon ang ilang hakbangin na matagal nang hinihiling ng mga manggagawa—sa gobyerno man o sa pribado—sa pamahalaan. Kabilang dito ang pagbabago sa income tax rates na pakikinabangan ng maraming kawani na ngayon ay naoobligang magbayad ng hanggang 30 porsiyenton ng kanilang buwis.
Sa harap ng mariing pagtutol ng pangulo, binago ng mga leader sa Kongreso ang panukala upang tuwiran nitong mabawasan ang buwis, alinsunod na rin sa naitalang inflation sa nakalipas na 20 taon. Kung maipapasa ang panukala bago mag-adjourn ang Kongreso ngayong taon, tiyak na labis itong kasiya-siya para sa lahat ng manggagawa.