“HAPPY days are here again.” Ito karaniwang sinasabi ng mga tao tuwing nag-aabang sa pinakahihintay nilang araw. At para sa kanila, ang araw na ito ay papalapit na nang papalapit.
Ang sinasabi kong sabik na nag-aabang ng espesyal na araw ay ang street dwellers sa malalapad na lansangan, parikular na sa Roxas Boulevard. Nagsisigayak na sila sapagkat alam nilang papalapit na ang araw na kanilang pinakahihintay. Ang tinutukoy ng kolumnistang ito ay ang muling paghakot sa mga yagit na naninirahan sa gilid ng kalsada, parke, ilalim ng puno at gusali. Hahakutin sila at pagbabakasyunin sa isang tagong resort. Libre ang lahat at may datung pa.
Sa Nobyembre 17 hanggang 20 ay magsisidating na ang mga delegado ng APEC para magpulong dito at talakayin ang tungkol sa ekonomiya ng iba’t ibang bansa. At sa mga nabanggit na araw hanggang sa makauwi na ang mga bisita ay itatago muna ang mga yagit. Maglalantad kasi ito sa tunay na kalagayan ng bansa mula sa tinatawag na “Tuwid na Daan”.
Ginawa na nila ito noong bumisita sa bansa si Pope Francis. Limang araw pinagbakasyon ang mga yagit at street dwellers sa isang resort sa Batangas na libre ang lahat. At iyon ay para itago sila mula sa Papa.
Kung ganoon nga ang layunin ng pagdaraos ng APEC, bakit hindi ipakita sa kanila ang tunay na kalagayan ng mga Pinoy para makaisip ng solusyon kung meron pang solusyon.
Bakit itatago ang katotohanan? Bakit isasara sa trapiko ang ilang kalsada at paiikutin kung saan-saan ang mga sasakyan ng mga Pinoy? Para maging maalwan at hindi makasagabal sa daraanan ng mga delegado?
Bakit hindi iparanas sa mga ito ang matinding trapik na talaga namang isa sa matitinding suliranin ng bansa at baka sakaling makaisip sila ng mabisang paraan para ito’y malutas? Ang lahat ng ginagawa natin ay pagpapapogi kahit talaga naman tayong pangit. Para tayong mga artistang todo make-up at pagpapaganda kapag may shooting ngunit pagkatapos maghilamos ay mukha ring aswang.
BIRONG PINOY
PONYANG: Mare, ibibiyahe na naman pala kayong mga street dweller sa isang resort. Sikat kayo, ha?
POKWANG: Oo nga, Mare ayaw kasi kami ipakita ng gobyerno sa mga delegado ng APEC. Ayaw daw kasi makakita ng mga ito ng mga marurungis at MATATAKAW.
PONYANG: Ay, ano raw ang gustong makita?
POKWANG: Yun daw makikinis, mapoporma, nakasuot ng barong at amrikana at mga MAGNANAKAW. (ROD SALANDANAN)