Magdaraos ang Netherlands-based Permanent Court of Arbitration ng isang linggong pagdinig simula sa Nob. 24 sa kaso ng Pilipinas na humahamon sa malawak na pag-aangkin ng China sa mga teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea).
“Oral hearing on the merits of the Philippines-China arbitration case under Annex VII of the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) will be held from November 24 to November 30, 2015 at The Hague,” sinabi ng Department of Foreign Affairs noong Miyerkules.
Gaganapin ang pagdinig matapos ipahayag ng tribunal noong Oktubre 30 na mayroon itong jurisdiction sa reklamo ng Pilipinas, pinasinungalingan ang argumento ng China na ang kaso ay hindi saklaw ng mandato ng korte.
Sinasabi ng China na pag-aari nito ang halos 90 porsyento ng West Philippine Sea at ang kumpol ng mga isla, bahura at atoll, na tinatawag na Spratlys.
Mayroon ding mga inaangking bahagi ang Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan sa karagatan, na isang pangunahing shipping lane at pinaniniwalaang may malaking deposito ng langis at mineral. (PNA)