Nabigo ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) na makakumpiska ng baril at illegal na droga sa ikatlong pagsalakay nito sa maximum security compound ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City ngayong buwan, subalit nakasamsam ng electronic gadgets, appliances, cell phones at mga patalim, kahapon ng umaga.

Ayon kay BuCor Director retired Lt. General Rainier Cruz III, dakong 4:30 ng umaga nang salakayin ng mahigit 400 tauhan ng BuCor ang quadrants 1 at 2 na nasa Buildings 1, 4, 6, 7 at 11 sa loob ng maximum security compound, na kinapipiitan ng 4,000 bilanggo.

Kabilang sa sinuyod ng awtoridad ang selda ng dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Carlos Garcia, at ng carjacking leader na si Raymond Dominguez.

Bago ang raid, pinalabas muna sa kani-kanilang selda ang mga preso na pawang miyembro ng Batang City Jail, Leyte, Cebu, Mindanao, Batman gang at mga kasaping fraternity mula sa University of the Philippines (UP).

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Inabot ng pitong oras ang mahigpit na pagsuyod ng awtoridad sa pasilidad, at nakumpiska ang isang maliit na refrigerator, mga electric fan, mga air-con unit, mga cell phone at tablet computer, at iba’t ibang patalim, bukod pa sa may apat na alagang aso na Shih Tzu.

Tiniyak naman ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf Jr. na magpapatuloy ang kanilang operasyon upang masugpo ang mga kontrabando ng mga preso sa paglalagay ng mga metal detector at x-ray machine, bukod pa sa lilimitahan ang mga pampublikong sasakyang nagdaraan sa piitan at tataasan ang bakod. (Bella Gamotea)