Iniutos ng Marikina City Prosecutors’ Office kahapon ang pagpapalaya sa isang reporter ng DZRH na idinetine at kinasuhan ng unjust vexation sa pagkuha ng mga litrato laban sa isang pulis na humarang sa kanya na kumuha ng mga istorya sa police blotter.

Habang isinusulat ang balitang ito, nakikipag-ugnayan na ang DZRH reporter sa abogado ng Manila Broadcasting Company at sinabing magsasampa siya ng kasong kriminal laban sa pulis na nambugbog at umaresto sa kanya noong Martes.

Sinabi ni Prosecutor Vonn Sto. Domingo na patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.

Nakatakdang humarap si DZRH reporter Edmar Estabillo sa preliminary investigation na itinakda sa Nobyembre 16 at 23.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napag-alaman na nais makita ng prosecutors ang CCTV ng Marikina City Police na nakakuha sa diumano’y pambubugbog sa reporter nang magtungo siya sa istasyon noong Martes para mangalap ng balita.

Kinondena na ng National Press Club ang insidente.

Nakita sa CCTV sa loob ng police station kung paanong binugbog si Estabillo ni SPO2 Manuel Layson habang nanonood lamang ang ibang pulis at hindi man lamang inawat ang pulis na kinuha pa ang cellphone ng reporter upang hindi mairekord ang insidente.

Sinasabing hinarang si Estabillo sa pagpasok sa Marikina City Police Station para kumuha ng istorya mula sa police blotter at binugbog at inaresto ni SPO2 Layson. (Madelynne Dominguez)