KUNG hindi pinapatay ay sinasaktan at pinoposasan. Maliwanag na ito ang kinasasadlakan ngayon ng ating mga kapatid sa media. Kamakailan lamang, hindi iisang reporter ang pinatay; kamakalawa, isa namang radio correspondent ang sinasabing nilapastangan ng isang pulis sa Marikina City. At tila paulit-ulit na ang ganitong nakapanggagalaiting sistema laban sa ating mga kapatid sa propesyon.

Dapat lamang asahan ang kagyat na pag-alma ng ating mga kasamahan sa media sapagkat ito ay maliwanag na pagyurak sa ating karapatan sa pamamahayag. At kailangang gampanan natin ang ating mga tungkulin bilang tagapagpalaganap ng mga tamang impormasyon na dapat mabatid ng mamamayan. Bahagi ng ating paninindigan na marapat na ipagtanggol ang press freedom kahit na ito ay maging dahilan ng ating kamatayan. Maliwanag na ito ang laging kaakibat ng ating misyon.

Sa panig ng administrasyon, matinding pagkondena lamang ang kaagad na reaksiyon nito sa matinding panawagan ng media sector na aksiyunan ang nagaganap na karahasan sa media. Daan-daan na ang mga miyembro ng media na napapatay habaang tumutupad ng kanilang tungkulin. Kabilang na rito ang mga naging biktima ng kakila-kilabot na Maguindanao massacre.

Hanggang sa pagkundena na lamang ba ang tugon ng administrasyon sa ating mga panawagan? Hindi ba kailangang pakilusin ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) at iba pang grupo ng mga alagad ng batas laban sa mga kriminal? Nakalulungkot na sa halip na damayan ay tila nais pa yatang sisihin ng ilang tauhan ng gobyerno ang media: sila umano ang pasimuno sa paglalarawan ng mga negatibo o masasamang sistema ng pamamalakad ng administrasyon. Nais nilang ipakahulugan na itinatago ng media ang mga positibo o magagandang nagawa ng gobyerno.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kailangang paigtingin ng pamahalaan ang paglipol sa tinatawag na culture of impunity – isang sistema na ang mga nagkasala ay hindi napaparusahan o talagang ayaw parusahan. Mabibilang sa daliri ang mga media killer na nahatulan.

Kaakibat ng ganitong pagsisikap ang paglipol sa bad eggs sa PNP. Ang mga ito, tulad ng naturang pulis sa Marikina City, ang matinding dagok sa PNP at sa mismong administrasyon. (CELO LAGMAY)