Nagpauna ng abiso ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ng matinding trapiko sa EDSA kapag dumating na sa bansa ang mga delegado ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa susunod ng linggo.
Sinabi ni PNP-HPG Director Chief Supt. Arnold Gunnacao na simula sa Lunes ay tanging mga sasakyan lang na may APEC sticker ang makadadaan sa itinalagang APEC lanes sa ilang bahagi ng EDSA.
Ayon kay Gunnacao, ang APEC lanes ay ang dalawang innermost lane sa north bound at south bound ng EDSA, mula sa Shaw Boulevard hanggang sa Roxas Boulevard.
Dahil dito, ayon sa HPG, tanging ang outermost lane lang ng EDSA ang maaaring daanan ng mga motorista, pero pahihintuin din ang mga sasakyan 30 minuto bago dumaan ang convoy ng mga delegado, bilang bahagi ng ipatutupad na security measures.
Kaugnay nito, pinapayuhan ni Gunnacao ang mga motorista na iwasan muna ang EDSA Shaw hanggang Pasay Rotonda at hanggang MOA, maging ang Roxas Boulevard mula sa Manila Hotel hanggang sa Airport Road.
Mananatili sa EDSA at Roxas Boulevard ang APEC lanes hanggang sa Nobyembre 20, ang pagtatapos ng pulong.
Samantala, iminungkahi ni Ambassador Marciano Payno, Jr., director-general ng APEC-National Organizing Committee, na sa Quezon City Memorial Circle na lang isagawa ng mga militanteng grupo ang kanilang kilos-protesta sa pagdaraos ng APEC Leaders’ Summit.
“Iginagalang namin ang karapatan ng mga militante sa pagpapahayag pero sana hindi makasagabal sa pangangasiwa sa APEC Meeting. Huwag naman sanang ipahiya ng mga militante ang bansa sa harap ng mga bisita,” panawagan pa ni Payno.
Inihalintulad ni Payno ang APEC hosting sa pag-iimbita ng bisita sa bahay kaya mainit silang tinatanggap, ibinibigay ang pinakamaayos na tutulugan at makakain, at hindi iniinsulto.
“Hindi naman po natin sila pinipigilang ipahayag ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng rally pero isaalang-alang naman sana ang dignidad ng bansa. Gaya nang pagbisita sa bahay, ang bisita, iginagalang at tinatanggap nang matiwasay at hindi binabastos,” paliwanag ni Payno. (FER TABOY, BETH CAMIA)