SA bisa ng Proklamasyon Bilang 698 noong 2004, idineklara ang Nobyembre bilang Traditional and Alternative Health Care (TAHC) Month upang magbigay ng kaalaman sa paggamit ng halamang gamot, at paigtingin ang kamulatan sa mga tradisyunal at alternatibong lunas na inaprubahan para sa publiko. Mangunguna sa selebrasyon ang Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC), isang research institute ng Department of Health (DoH).
Itinatag ng Republic Act 8423, ang Traditional and Alternative Medicine Act of 1997, ang PITAHC, upang tugunan ang mga pangangailangan ng publiko, partikular ang sektor ng mahihirap, sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga produkto, serbisyo at teknolohiya ng TAHC na napatunayan nang ligtas, epektibo at abot-kaya.
Tinutukoy ng RA 8423 ang tradisyunal na medisina (na katutubong gamutan) bilang “kaalaman, kakayahan at mga gawaing batay sa mga teorya, paniniwala, at karanasang likas sa iba’t ibang kultura, at ginagamit sa pagpapanatili ng kalusugan, gayundin sa pag-iwas, pagtukoy at pagbibigay ng lunas sa karamdamang pisikal at pang-kaisipan. Saklaw ng tradisyunal na medisina ang napakaraming paraan ng gamutan na nag-iiba sa mga bansa, sa mga rehiyon. Sa ilang bansa, tinatawag itong alternatibong medisina.
Nagsasagawa ang PITAHC ng mga pananaliksik sa mga lugar ng TAHC, at naglulunsad ng mga pag-aaral tungkol sa katutubong pangangalagang pangkalusugan na isinasagawa ng mga “tradisyunal na manggagamot” o albularyo para maisama ito sa pangkalahatang health care delivery system ng bansa, kasabayan ang modernong medisina. Nagpapalabas ito ng mga panuntunan, patakaran at codes of ethical practice para sa TAHC, gayundin sa paglikha, pagtiyak sa kalidad, at pagbebenta ng mga gamit sa TAHC, sa mga produktong natural at organiko.
Ang pagpapasigla sa TAHC ay nagkaloob ng napakaraming mura, maaasahan at epektibong pangangalagang pangkalusugan sa mga Pilipino. Ang tradisyunal na gamutan ay matagal nang ginagawa sa maraming henerasyon ng bansa, partikular na sa mga komunidad, ngunit kinilala lamang sa pagkakaloob ng lunas na pangkalusugan sa nakalipas na mga dekada. Ang mas malawak na pagtanggap dito ng mundo ay natukoy noong huling bahagi ng 1990s.
Ang bansa ay sagana sa mga katutubong halaman na nagtataglay ng gamot at lunas. Ginagamit ng DoH-PITAHC ang mga likas na lunas na ito sa pamamagitan ng pananaliksik upang makalikha ng abot-kaya at epektibong gamot. Gumagawa at nagbebenta ang PITAHC ng mga produkto mula sa mga halamang gamot at sabon mula sa plant species na pinag-aralan ng mga eksperto sa ilalim ng National Integrated Research Program on Medical Plants. Pinangangasiwaan nito ang apat na herbal processing plant na matatagpuan sa Tacloban City, Cagayan Valley, Davao at Cotabato.
Inaprubahan ng Traditional Health Program ng DoH-PITAHC ang 10 halamang gamot para magamit ng publiko, matapos ang masusing eksperimento at pag-aaral para patunayan na nakagagamot ang mga ito ng iba’t ibang sakit. Kabilang sa mga ito ang: Lagundi, ulasimang-bato/pansit pansitan, bayabas, bawang, yerba Buena, sambong, akapulko, niyog-niyogan, tsaang gubat, at ampalaya. Bagamat natural ang lahat ng ito, pinapayuhan ang publiko na, gaya ng ibang gamot, dapat pa rin itong ireseta ng isang lisensiyadong manggagamot.