Kabilang ang dalawang kandidato sa pagka-bise presidente at ilang pinupuntirya ang Kamara at Senado sa mga pulitikong patuloy na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng P10-bilyon “pork barrel” fund scam.

Ito ang inihayag ni Rodante Berou, hepe ng NBI Special Operations Group, nang tumestigo siya sa Sandiganbayan kaugnay ng motion for bail na inihain ni Masbate Gov. Rizalina Seachon-Lanete.

Sa direct examination, sinabi ni Berou na hindi pa inihihinto ng NBI ang imbestigasyon nito sa pagkakasangkot ng mga dati at nangakaupong mambabatas, na nadawit ang mga pangalan sa pork barrel scam, na pinasimulann umano ng utak nito na si Janet Lim Napoles.

Ayon sa testigo ng prosekusyon, iniimbestigahan pa rin sa posibleng pagkakadawit sa scam sina Senators Alan Peter Cayetano at Gregorio “Gringo” Honasan, na kapwa kandidato sa pagka-bise presidente.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinangalanan din ni Berou sina dating Senator Richard Gordon, na kandidato sa pagkasenador; at Deputy Speaker Henedina Abad, asawa ni Budget Secretary Florencio Abad at re-electionist congresswoman ng Batanes.

Nabanggit din sina Senators Lito Lapid, Loren Legarda at Pia Cayetano, gayundin ang mga dating senador na sina Rodolfo Biazon, Edgardo Angara at Ramon Magsaysay.

Ayon kay Berou, nabanggit din ang mga naturang personalidad sa special audit report ng Commission on Audit (COA) sa pinagkagastusan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2007 hanggang 2009. (Ben R. Rosario)