ILOILO CITY – Dalawang taon ang nakalipas matapos manalasa ang bagyong ‘Yolanda’ sa bansa, kailangang maglaan ang gobyerno ng P1.8 milyon para sa pabahay ng mga nasalanta ng bagyo sa Western Visayas.
Ito ang inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Corazon “Dinky” Soliman, na bumisita sa Iloilo City kahapon.
Bagamat nakapaglabas na ang DSWD ng mahigit P8.3 bilyon para sa 475,426 na pamilyang benepisyaryo sa limang lalawigan sa rehiyon na sinalanta ng Yolanda, inamin ng kalihim na may 180,706 na pamilya pa ang hindi nakatatanggap ng anumang tulong pinansiyal sa ilalim ng programang Emergency Shelter Assistance (ESA).
Paliwanag ni Soliman, ang 180,706 na pamilyang ito mula sa Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, at Negros Occidental ay wala sa paunang listahan na pinaglaanan ng aprubadong budget release alinsunod sa Yolanda Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan (CRRP) ng gobyerno.
Nang tanungin kung saan manggagaling ang P1.8 bilyon pondo, sinabi ni Soliman na kailangan pang maghintay ng administrasyong Aquino hanggang matapos ang taon upang malaman kung may savings ang gobyerno. (Tara Yap)