HINDI na muna namin babanggitin kung sinu-sinong celebrities ang susuporta sa Liberal Party candidate for vice president na si Cong. Leni Gerona Robredo dahil baka gawan ng intriga o sabihing malaki ang ibinayad sa kanila ng running mate ni Presidentiable Mar Roxas.
Nalaman namin na walang hininging anumang kabayaran ang celebrities dahil kusang loob silang tutulong sa kampanya ni Ma’am Leni sa paniniwala na malaki ang kanyang magagawa para matulungan ang mahihirap nating kababayan at umunlad na ang Pilipinas.
Tinanong namin ang taong nagkuwento sa amin kung itataas ng mga celebrity ang kamay ni Ma’am Leni kapag may sortie, “Oo naman, kasi kung hindi sila naniniwala, hindi naman nila susuportahan si Leni. Saka iboboto talaga nila.”
Nagulat kami, Bossing DMB dahil ang kababayan at napupusuan mo ring VP ay suportado ng mga artistang gustung-gusto mo rin sa showbiz. At higit sa lahat, pawang mga sikat, as in to the max.
Nangako naman kami sa taong kausap namin na hindi muna namin isusulat ang pangalan ng mga celebrity hangga’t hindi pa kumpleto ang listahan.
Nakakatuwa lang dahil ‘yung ibang kandidato ay malaki ang ibabayad at pahirapan pang makakuha ng artista para lang suportahan sila, samantalang si Ma’am Leni ay kusang loob ang lahat ng mga artistang susuporta.
Kaya magkakaalaman na lang, di ba, Bossing DMB?
(Sinu-sino ba sila at nang mapasalamatan na agad natin, Reggee? –DMB) (REGGEE BONOAN)