SAN LEONARDO, Nueva Ecija - Hindi na nakuhang tapusin ng isang pulis na drug enforcement operative ang kanyang pagkain sa loob ng isang restaurant makaraan siyang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek sa Barangay Diversion sa bayang ito, nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni San Leonardo Police chief, Insp. Renato Morales kay Senior Supt. Manuel Estareja Cornel, Nueva Ecija Police Provincial Office director, nakilala ang biktimang si SPO2 Manuel Pangilinan y Alfonso, 45, biyudo, nakatalaga sa Gen. Tinio Municipal Police, at residente ng Bgy. Mambangnan ng bayang ito. Nagtamo si Pangilinan ng 13 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa pagsisiyasat ni PO2 Giovani Penamante, dakong 7:00 ng gabi nitong Linggo, kasama ni Pangilinan ang tatlong iba pa at kumakain sa loob ng isang restaurant nang mula sa kanyang likuran ay sumulpot ang salarin at pinagbabaril siya.
(Light A. Nolasco)