Nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Pasay City Police laban sa isang lalaki na responsable sa tangkang panghoholdap sa isang babaeng news producer ng isang television network habang naglalakad pauwi, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Pasay Police Station chief Senior Supt. Joel Doria, ang biktimang si Jamelle Ann Catapusan, 26, news producer ng ANC, residente ng Victor Street, Barangay 61, ng nasabing lungsod; at anak ng reporter ng Manila Bulletin na si James Catapusan.
Positibong kinilala ng biktima sa police photo gallery ang suspek na si Morris Cornejo, ng Tramo Street, Barangay 60, Zone 8, Pasay City.
Dakong 3:20 ng umaga, naglalakad ang biktima pauwi nang sumulpot ang suspek na armado ng patalim sabay tutok sa dalaga at nagdeklara ng holdap.
Sapilitang kinukuha ng suspek ang bag at relo ng biktima subalit pumalag at nagsisigaw ang dalaga na nakaagaw ng pansin ng mga bystander doon.
Dala ng pagkataranta ng suspek, mabilis ito tumakas at hindi nito natangay ang mga gamit ng biktima.
Halos na-trauma naman ang biktima at nasugatan ang braso sa pagtatangka ng suspek na agawin ang suot nitong relo.
(Bella Gamotea)