Natunton ng awtoridad ang pinanggagalingan ng child pornographic materials sa Angeles City, Pampanga matapos maaresto ng US immigration ang isang lalaki na may bitbit na halos 100 larawan ng mga nakahubad na bata sa San Francisco, California, kamakailan.
Base sa impormasyon mula sa US Federal Bureau of Investigation (FBI), naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang producer ng child pornographic film at mga kakutsaba nito sa inilunsad na operasyon sa Angeles City, Pampanga.
Sinabi ni NBI Cybercrime Division Chief Ronald Aguto na naaresto nila ang pinaghihinalaang child pornography producer at bugaw na si Lyan Tandeg at business partner nitong si Shellina Atad sa coffee shop sa isang mall sa Angeles City.
Nakipagkita ang mga suspek sa mga undercover agent ng NBI upang ibugaw ang isang walong taong gulang na babae, ayon sa ulat.
Samantala, naglunsad na rin ng manhunt operation ang NBI laban sa isang “Jeffrey Ganutuen”, umano’y partner ni Tandeg sa ilegal na gawain.
Natukoy ng NBI agents ang pinagtataguan nina Tandeg at Atad base sa impormasyon ni Michael Carey Clemans, na naaresto ng US Customs and Border Patrol sa San Francisco International Airport noong Abril 27, 2015, dahil may mahigit 100 litrato ng kabataang hubo’t hubad sa iPad nito. (Leonard D. Postrado)