ANO na naman kayang perhuwisyo ang binabalak ng AGAP (Agricultural Sector Alliance of the Philippines). Magsasagawa raw ang grupong ito ng “Pig Holiday” dahil sa patuloy umanong technical smuggling ng karne at manok sa Customs.

Ayon Kay Rep. Nicanor Briones, ng naturang grupo, nawawalan na ng halos P2 bilyon kada buwan ang mga backyard hog and poultry raiser dahil sa technical smuggling na pinalulusot ng mga tiwaling opisyal at tauhan ng Bureau of Customs.

Ayon pa kay Briones, bumagsak na ang presyo ng baboy sa farm price, mula sa dating 180 bawat kilo, ngayon ay 110 na lang.

Sabi pa ni Briones, pinalulusot ng mga smuggler ang mga karne bilang taba, balat, lamang loob, offals at deboned na inaangkat bilang frozen meat para makapagbayad lamang ng 5 porsiyento sa halip ng 30-40% kaya nawawalan ng P1 milyon buwis sa bawat container van ang gobyerno.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Una na umanong iniulat ni Deputy Commissioner Jessie Dellosa kay Pangulong Aquino na nagpapatuloy sa Customs ang tinatawag na “tara system” o ang pagbabayad ng P120,000-P150,000 bawat container na wala nang bukasan.

Iyan ang dahilan kung bakit magsasagawa ang AGAP ng Pig Holiday—limang araw munang walang magtitinda ng karne na baboy at manok.

Kung sabagay, malaking pabor ito para sa mahilig magsikain ng baboy, sa dami ng naglilitawan nang sakit ngayon. Ang mga naaapektuhan nito ay ang mga fastfood na ang pangunahing pangganyak ay hamburger at pritong manok.

Ilang buwan na ang nakalipas nang magsagawa naman ng “fish holiday”. Walang naghuli ng isda. Pero ang mga mamimili ay nagtiis at nagtiyaga sa gulay. Ang mga mangingisda ang hindi tumagal at nagsipangisda rin.

Sinasabing ang pig holiday ay limang araw lamang. Pero para sa iba, kahit na siguro gawin nilang isang buwan o isang taon ang pig holiday ay okay lang, lalo na kung botcha na karne ang ititinda sa kanila.

BIRONG PINOY:

Pilang: Mare, nabawasan na pala ang mga nagugutom sa bansa. Ayon sa survey, tatlo at kalahating milyong pamilya na lang daw.

Pidyang: Oo nga, Mare, umunti na sila.

Pilang: Bakit kaya, Mare? Kumakain na kaya sila nang husto?

Pidyang: Hindi, Mare. Nagkamatay na ‘yung iba.

Pilang: Saan, sa sakit?

Pidyang: Hindi, sa GUTOM! (ROD SALANDANAN)