“Barya lang ‘yan.”
Ganito inilarawan ng mga public school teacher ang panukalang dagdag sahod ng administrasyong Aquino para sa mga kawani ng gobyerno sa 2016.
Kapwa nadismaya Ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) at ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa inihayag ni Pangulong Aquino hinggil sa dagdag-suweldo sa mga empleyado ng gobyerno, na kinabibilangan ng teaching at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd).
Sa isang pahayag, sinabi ng ACT Party-list na ang mga empleyado na may mababang posisyon ang mga “biggest loser” sa panukalang pay hike ng gobyernong Aquino, habang ang mga may mataas na posisyon, tulad ng pangulo ng bansa, ay maituturing na “mga anak ng Diyos.”
Sinabi ni ACT Teachers’ Rep. Antonio Tinio na “barya lang” ang dagdag sahod na P2,205 na ibibigay sa apat na taon para sa may ranggong Teacher I sa ilalim ng House Bill 6268 o Salary Standardization Law of 2015.
“Ito ay nangangahulugan ng P24 dagdag kita kada araw para sa mga ordinaryong guro ng pampublikong paaralan,” ani Tinio.
Mula sa P18,594 buwanang sahod sa kasalukuyan, sinabi ni Tinio na ang suweldo ng isang entry-level teacher ay itataas sa P19,077 sa 2016; P19,620 sa 2017; P20,179 sa 2018; at P20,754 sa 2019, base sa panukala.
(Ina Hernando-Malipot)