Apat na hindi nakilalang armadong lalaki ang nangholdap sa United Coconut Planters Bank (UCPB) at tumangay sa halos P7 milyon cash at tseke sa Barangay Taft, Surigao City, Surigao del Norte, iniulat ng pulisya kahapon.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Surigao City Police Office (SCPO) upang matukoy ang pagkakakilanlan at mahuli ang apat na suspek sa panghoholdap sa sangay ng UCPB sa San Nicolas-Diez Street sa Bgy. Taft, Surigao City, nitong Lunes ng hapon.

Pinasok ang bangko at kinuha ng isa sa mga suspek ang shotgun ng security guard na si Efren Doquila, habang sinunggaban naman ng tatlo pang suspek ang isa pang guwardiya na si Lancelot Balaba.

Kasunod nito, sinamsam ng dalawa sa mga suspek ang mga pera at tseke sa teller’s booth.

Probinsya

10 kaso ng MPOX, naitala sa South Cotabato

Ayon sa UCPB, natangay ng mga suspek ang P4.4-milyon cash at P2.3-milyon halaga ng tseke.

Sinabi sa pulisya ni Young Alaniel Bumanglag, manager ng bangko, na ang pera at check deposits ay pagmamay-ari ng Surigao del Norte Electric Cooperative (SURNECO).

Inilunsad na ng Surigao City Police Station at Surigao del Norte Provincial Public Safety Company ang dragnet operations sa pagpapakalat ng mga checkpoint sa buong lungsod. (FER TABOY)