OLONGAPO CITY - Simula Agosto 2013 hanggang ngayon ay walang ibinabayad ang pamahalaang lungsod ng Olongapo sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).
Ito ang nilinaw ni Olongapo City Councilor Edic Piano, kaugnay ng pahayag ni Mayor Rolen Paulino tungkol sa P200 milyon na ibinayad ng siyudad sa utang nito sa PSALM na nasa mahigit P5 bilyon.
“Sinasabi ni Mayor Paulino na P200 milyon na ang naibayad niya sa PSALM. Pero, ayon sa records ng PSALM, P30 milyon lamang ang naibayad nito simula noong July 2013, at pagkatapos ay hindi na nasundan,” ayon kay Piano.
Paliwanag pa ni Piano, bago bumaba sa puwesto si dating Mayor James “Bong” Gordon, Jr. noong Hulyo 2013 ay naisaayos na nito ang problema sa kuryente ng siyudad, kasama na ang pagkakautang sa PSALM.
“Sa pangyayaring ito, paano sisingilin ang isang kumpanya (Public Utility Department o PUD) na sarado na. Wala na rin maaaring ibigay na notice of disconnection sa Olongapo, dahil OEDC (Olongapo Electric Development Corp.) na ang nagpapatakbo nito,” sabi ni Piano.
Ipinaliwanag din ni Piano na ibinasura ng Office of the Ombudsman ang kasong isinampa ng mga kritiko laban kay Gordon matapos mapatunayan na wala itong basehan.
Batay sa desisyon ng Ombudsman, walang ninakaw na pera si Gordon, at sa halip, ay pinuri pa ang desisyon ng dating alkalde na isapribado ang PUD dahil higit na nakabuti ito sa taumbayan at sa pamahalaan.
Sinabi pa ng konsehal na bago bumaba sa puwesto si Gordon ay iniwan nito sa kaban ng lungsod ang P628 milyon na ibinayad ng OEDC.
Beth Camia