Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng defending champion National University (NU) para makamit ang asam na outright Finals berth matapos nilang magapi ang Far Eastern University (FEU), 71-57, noong nakaraang Linggo sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 78 women’s basketball tournament sa Blue Eagle gym.

Nagsalansan ng 18 sa kanyang kabuuang 20-puntos na output si Shelley Gupilan sa likod ng 3-point arc habang naitala ni Trixie Antiquiera lahat ng kanyang 15-puntos sa three-point area nang angkinin ng Lady Bulldogs ang ika-12 sunod na ilang panalo ngayong season na nagpalawig sa kanilang nasimulang winning streak noong nakaraang taon hanggang 28-laban.

Sa iba pang laro, nahatak naman ng De La Salle ang sarili nitong winning streak sa 11 laro matapos putulin ang 4-game winning run ng University of the Philippines (UP) sa pamamagitan ng 78-53 panalo.

Nagposte ng all-around performance si Ara Abaca na nagtapos na may 15-puntos, 8 assists at 7 rebounds habang nagdagdag ang kakamping si Camille Clarong 15-puntos para sa Lady Archers, na nakakasiguro na ng twice-to-beat bonus papasok ng semis.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

Nagtala si Jollina Go ng 16 sa kanyang 28-puntos sa first half upang giyahan ang Ateneo tungo sa 66-62 paggapi sa University of the East (UE) para buhayin ang kanilang semis bid.

Naputol naman ng Adamson University ang kanilang 8-game losing streak matapos ungusan ang University of Santo Tomas (UST), 75-71.

Umangat ang Lady Eagles sa barahang 5-7, panalo-talo at nakapantay sa Lady Warriors at Tigresses sa third hanggang 5th spot habang hindi naman nalalayo sa kanila ang Lady Falcons na may barahang 4-8 kapantay ng Lady Maroons sa sixth place.

Tuluyan namang namaalam sa kontensiyon ang Lady Tamaraws na bumaba sa 2-10 card. (Marivic Awitan)