BUMILIB nang husto kay Michael Pangilinan ang judges ng Your Face Sounds Familiar na sina Sharon Cuneta, Jed Madela at Gary Valenciano sa kanyang paggaya kay Bono at sa pag-awiti ng With or Without You nito.
Maging ang mga kasamahan ni Michael sa look-alike singing tilt ay na-impress sa galing na ipinamalas niya. Umani siya ng pinakamataas na markang umabot sa 40 points dahilan upang tanghaling weekly winner ng YFSF nitong last weekend.
Isa kami sa mga natuwa dahil sapul nang magsimula ang contest ay laging nasa bottom three si Michael. Ang totoo, kinakarir ni Michael ang paggaya sa lahat ng icons na naa-assign sa kanya. Sa darating na weekend ay live performance ang mapapanood na kasama mismo ang music legends ng contestants.
May one hundred thousand na nakamit si Michael bilang weekly winner at ang kalahati nito ay ido-donate niya sa Bantay Bata Foundation ng ABS-CBN.
Samantala, abala na si Michael sa paghahanda para sa kanyang December 18 concert sa Music Museum sa Greenhills. Ito ay pinamagatang Michael Sounds Familiar at kabilang sa kanyang special guests sina Randy Santiago, Nikko Seagal Natividad, Gabrielle C. at ang Sexbomb Girls na sina Aira at Louise. (REMY UMEREZ)