MARAMING Kapamilya viewers ang natuwa nang muling makita si Mariel Rodriguez sa pagtatapos ng Pinoy Big Brother 737 kasabay pa ng ikasampung anibersayo ng programa nitong nakaraang Sabado at Linggo.
Isa si Mariel sa mga orihinal na host nang magsimula ang Pinoy Big Brother noong 2005 kasama sina Bianca Gonzales at Toni Gonzaga.
Kaya marami ang nagulat at nalungkot, kasama na kami, nang lumipat siya sa TV5 para sundan si Willie Revillame.
Kaya naman nu’ng i-announce ng PBB na may magbabalik sabay pakita ng babaeng naka-headband, nahulaan agad namin na si Mariel iyon dahil kilalang-kilala namin siya sa buhok pa lang.
At nitong Lunes ay napanood na naglaro si Mariel ng Deal or No Deal na hosted ni Luis Manzano at iniuwi niya ang premyong P241,000.
Kaya ang tanong ng bayan, balik-ABS-CBN na ba talaga si Mariel?
Matatandaang sinulat namin kamakailan na isa sa mga araw na ito ay pipirma na ng kontrata si Robin Padilla sa Kapamilya Network, yes, balik-Dos na ang aktor kaya curious kami kung kasama sa negosasyon niya ang asawa.
If ever, puwedeng-puwede naman dahil nalaman naming wala naman palang kontrata si Mrs. Padilla sa TV5.
Pero may nagsitsit naman sa amin, mapapanood na raw muli si Mariel sa Sunday show ng TV5 na Happy Truck Ng Bayan simula sa Nobyembre 15. (REGGEE BONOAN)