IPINAGDIRIWANG ni Bise Presidente Jejomar C. Binay, ang ika-15 Ikalawang Pangulo ng Pilipinas, ang kanyang ika-73 kaarawan ngayong Nobyembre 11. Inihalal siya noong 2010.

Inilunsad niya ang United Nationalist Alliance (UNA) noong Hulyo 1, 2015, bilang partido pulitikal sa kanyang pagkandidato sa pagkapangulo, na inspirasyon ang tatlong haligi ng kabutihang panlipunan sa pagpapabuti ng mga pangunahing serbisyo, pagkakaroon ng masiglang ekonomiya, at isang epektibo at nakauunawang pamamahala. Kabilang sa kanyang mga plataporma ang paglikha ng trabaho sa mga pangunahing sektor—agrikultura, manufacturing, turismo, business process outsourcing, at export—at libre at de-kalidad na pangunahing edukasyon, bukod pa sa mabuting pangangalagang pangkalusugan, at mas malaking pondo na ilalaan sa mahihirap na munisipalidad.

Si Bise Presidente Binay ay may mahabang kasaysayan ng serbisyo publiko: Siya ay naging officer-in-charge ng Makati City matapos ang 1986 EDSA People Power Revolution, at nahalal na alkalde mula 1986 hanggang 1998, at muling nanilbihan simula 2001 hanggang 2010. Naglingkod din siyang gobernador ng Metro Manila noong 1987 at inihalal ng mga alkalde sa Metro Manila bilang chairman ng Metropolitan Manila Authority, na ngayon ay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at nagsilbi mula 1990 hanggang 1992. Itinalaga siyang MMDA chairman noong 1998.

Hanggang sa magbitiw siya mula sa Gabinete ni Pangulong Aquino noong Hunyo 22, 2015, nagsilbi siyang presidential adviser for overseas Filipinos at chairman ng Housing Urban Development Coordinating Council at Pag-IBIG Fund. Siya rin ang national president ng Boy Scouts of the Philippines at chairman ng Asia-Pacific Regional Scout Committee ng World Organization of Scouts Movement.

Bago naglingkod sa gobyerno, siya ay isang human rights lawyer, nagkakaloob ng libreng ayudang legal sa mahihirap na biktima ng mga pang-aabuso, sa pamamagitan ng mga organisasyong kasama siya sa mga nagtatag—ang Free Legal Assistance Group, Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and the Nationalism, at August Twenty-One Movement.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Ang Diyos na patuloy nagpapala sa kasagsagan ng krisis

Naulila sa murang edad, nagtrabaho siya habang nag-aaral sa Philippine Normal College, University of the Philippines (UP) Preparatory High School, at UP Diliman na roon siya nagtapos ng Bachelor of Political Science noong 1963 at Bachelor of Laws noong 1967. Pumasa siya sa Bar noong 1968, nag-aral ng Master’s in Public Administration and Law sa UP at sa University of Santo Tomas noong 1980, at Security Administration sa National Defense College of the Philippines. Tumanggap siya ng honorary Doctor of Public Administration mula sa Polytechnic University of the Philippines noong 1992.

Siya ay senior executive fellow ng John F. Kennedy School of Government sa Harvard University, at sumailalim din sa International Housing Program ng Wharton School of the University of Pennsylvania.

Ginawaran siya ng Outstanding MMDA Chairman Award, ng Special Presidential Award for Service, ng Presidential Citation bilang Most Outstanding City Mayor of Makati, ng Consumers Advocate Award, ng UP Oblation Run Award, ng Centennial Medal of Honor, ng Outstanding Public Official and Great Achiever awards, at ng World Mayor Award.