Mahigit 60 kaso ng rape ang naitala sa Tacloban City sa Leyte matapos manalasa ang super bagyong ‘Yolanda’ sa lalawigan noong Nobyembre 8, 2013.
Batay sa record ng Tacloban City Police Office (TCPO), 31 kaso ng rape ang naitala sa siyudad mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, habang 33 naman ang nabiktima ng panggagahasa sa kaparehong panahon noong 2014.
Hindi pa kasama sa naturang bilang ang mga kasong hindi naire-report sa pulisya.
Ayon sa tala ng Police Regional Office (PRO)-8, karamihan sa mga biktima ay 10-anyos pababa, at sariling kaanak ang umabuso.
Sa isang kaso, na biktima ang isang 16-anyos na babae, matapos ang Yolanda ay pinilit ang dalagita ng sariling ina na manirahan sa tiyuhing pulis, ngunit hinalay doon ang bata.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng City Social Welfare and Development Office ang dalagita, habang patuloy pang pinaghahanap ng awtoridad ang tiyuhin, na nasibak na sa serbisyo.
Inamin ni SPO4 Marissa Monge, hepe ng Tacloban City Police-Women and Children Protection Division, na posibleng marami pang kaso ng pang-aabuso at panghahalay sa lungsod ngunit hindi ito nai-report dahil sa eskandalong idudulot nito.
Ang masaklap pa, ayon kay Monge, kadalasang ang suspek sa panghahalay ay sariling ama, lolo o tiyuhin ng biktima.
Itinuturong dahilan sa pagdami ng rape cases ang mabagal na pagkakaloob ng mga permanenteng tirahan sa mga Yolanda survivors, kaya napipilitang magsama-sama sa iisang bunkhouse ang aabot sa tatlo hanggang apat na pamilya.
Sinisisi naman ng gobyerno sa natatagalang pagtatayo ng mga permanenteng tirahan ang mahabang proseso sa pagkuha ng mga permit para sa backlog sa housing. (Fer Taboy)