Binalaan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa paggamit ng nauuso ngayong ‘do it yourself’ dental braces, na ipinagbibili sa Internet.
Batay sa FDA Advisory No. 2015-073, dapat na mag-ingat ang publiko at huwag tangkaing maglagay ng brace sa kanilang sariling ngipin.
Paliwanag ng FDA, ang pagsasaayos ng ngipin ay isang medical procedure at nangangailangan ng personal na superbisyon ng isang orthodontist.
Hindi rin umano dapat na pagalawin ang ngipin gamit ang rubber band, dental floss at iba pang bagay na maaaring orderin sa Internet.
Babala ng FDA, ang paggalaw ng ngipin nang walang sapat na eksaminasyon ng lahat ng ngipin at gilagid ay maaaring maging sanhi ng impeksyon, at seryosong pinsala sa ngipin at gilagid, tulad ng permanenteng pagkabungi.
Payo ng FDA, kung nais magpalagay ng brace ay dapat na kumonsulta muna sa orthodontist upang matiyak na tama ang pamamaraan at mga kagamitang gagamitin sa ngipin.
“Because of the risks involved, it would be beneficial for the public to be properly informed about the benefits and risks of any self-treatment situation such as “do it yourself” braces,” saad sa FDA advisory.
Mas makabubuti umano kung hihingi ng payo sa isang professional practitioner na may sapat na kaalaman, kakayahan at karanasan pagdating sa pagtukoy kung ano ang ligtas at hindi ligtas gawin sa pag-aayos ng ating mga ngipin.
(Mary Ann Santiago)