Iginiit kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos na hindi solusyon ang “brand coding” traffic scheme na iminungkahi ng isang dating overseas Filipino worker (OFW) upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila.

Ayon kay Carlos, ang dami ng sasakyan sa kalsada ay hindi magkakapareho ng brand, bukod pa sa umiiral pa rin ang number coding scheme ng MMDA.

Paliwanag pa ni Carlos, nadadagdagan ng 20 porsiyento ang dami ng sasakyan sa kalsada tuwing Sabado, kumpara sa mga karaniwang araw.

Sa datos ng MMDA, aabot sa 2.5 milyon ang rehistradong sasakyan sa Metro Manila sa kasalukuyan, bukod pa sa halos dalawang milyon sa mga karatig probinsiya sa Gitnang Luzon at Southern Tagalog, na pumapasok sa Metro Manila.

National

'Pekeng' doktor na tumuli sa namatay na 10-anyos, dati na raw nabilanggo

Batay sa iminungkahi ng retiradong OFW na si Dominador Macadenden, upang maresolba ang trapiko ay dapat umanong ipatupad ng MMDA ang coding system para sa mga brand ng sasakyan.

Ipinanukala ni Macadenden ang brand coding traffic scheme, na ipagbabawal bumiyahe tuwing Lunes ang mga sasakyang gawa ng Toyota; Martes ang Mitsubishi; Miyerkules ang Honda; Huwebes ang Nissan at Isuzu; Biyernes ang Mazda, Suzuki at Subaru; Sabado ang American, European, Korean at Chinese na sasakyan, habang maaari namang bumiyahe ang lahat ng brand tuwing Linggo. (Bella Gamotea)