Perhuwisyo na naman ang inabot ng libu-libong pasahero sa muling aberya sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT)-3 sa bahagi ng Makati City, kahapon ng umaga.

Ayon kay MRT General Manager Roman Buenafe, agad nagpatupad ng provisionary service o limitadong biyahe ng tren mula North Avenue Station hangggang Shaw Boulevard Station dahil sa nadiskubreng hairline crack sa riles nito.

Dakong 6:00 ng umaga nang biglang huminto ang isang tren ng MRT sa pagitan ng Ayala at Magallanes stations matapos masagap ang umano’y ga-buhok na bitak sa riles.

Bakas sa mukha ng mga pasahero ang labis na pagkainis sa walang humpay na aberya sa operasyon ng MRT na anila’y araw-araw na nilang kalbaryo.

Kahit ilang minuto o oras na nagtiis sa mahabang pila sa mga istasyon bunsod ng aberya, napilitan ang mga itong sumakay sa pampasaherong bus.

Misis ng nahuling NBI volunteer, nanindigang walang kasalanan ang asawa

Bumalik sa normal ang operasyon ng MRT-3 dakong 7:40 ng umaga matapos makumpuni ang bitak ng riles gamit ang fish clamp subalit nilimitahan sa lugar ang bilis ng takbo ng tren sa 15 kilometro bawat oras. (Bella Gamotea)