Hindi exempted ang mga Asia Pacific leader na dadagsa sa Maynila sa susunod na linggo sa “no wang-wang” policy ng gobyerno sa pagbiyahe ng mga ito sa iba’t ibang lugar para sa malaking pagpupulong.

Inihayag ni Ambassador Marciano Paynor, Jr. na tanging ang mga sasakyan ng pulisya at iba pang emergency vehicle ang papayagang gumamit ng sirena habang isinasagawa ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit.

“Walang dahilan upang sila ay gumamit ng wang-wang dahil solo nila ang kalsada,” sabi ni Paynor, director general ng APEC 2015 National Organizing Committee.

“At this point everyone is already aware of this policy. It’s a good policy so we carry it on and to say that not even the leaders, you know in a manner of speaking, are exempt,” dagdag niya.

Driver na nanagasa sa NAIA, laya na matapos makapagpiyansa

Kabilang sina US President Barack Obama, Chinese President Xi Jinping, Russian President Vladimir Putin, at Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa mahigit 20 state leader na darating sa Maynila upang dumalo sa APEC Meeting sa Nobyembre 18-19.

Inaasahang darating rin si Colombian President Juan Manuel Santos sa bansa matapos pagkalooban ng “observer status” sa pagpupulong.

Bukod sa 20 world leader, mahigit 7,000 delegado mula sa iba’t ibang bansa ang darating sa Pilipinas para sa taunang pagpupulong.

Samantala, umapela si Paynor ng pag-unawa mula sa publiko sa magiging epekto sa trapiko ng pagsasara ng ilang lansangan sa Metro Manila bilang bahagi ng seguridad na ilalatag ng gobyerno sa APEC meeting. (Genalyn D. Kabiling)