ANG pagkain sa restoran, para sa mga Pilipino at maging sa ibang lahi, ay hindi simpleng pagsasalu-salo sa labas ng hapag-kainan sa tahanan. Ito ay isang katunayan ng pag-angat sa kalagayan sa buhay.
Ito naman ang nagiging dahilan ng paglago ng negosyo sa restoran at pagkain, na nakaaapekto rin sa iba pang sektor ng ekonomiya, gaya ng pagtatayo ng mga mall o makabago at malalaking pamilihan.
Sa mahabang panahon, nakilala ang Morato Avenue sa QC bilang “restaurant row”, dahil sa tabi-tabing kainan na naghahain ng iba’t ibang putahe.
Kung ang pagdami ng mga restoran ang kailangan upang mataguriang “restaurant row”, marami nang kalsada sa QC ang aangkin sa nasabing titulo, gaya ng Visayas Avenue at Timog Avenue.
Ang paglago ng negosyong kainan ay bahagi ng pagsigla ng negosyong tingian, at mabilis itong napansin ng mga may-ari ng mga mall, na naglalaan na ng lumalaking espasyo para sa mga restoran.
Hindi rin maitatatwa na ang negosyong pagkain ay nakatutulong sa paglakas ng industriya ng turismo. Hindi kumpleto ang pagdalaw ng isang turista sa isang bansa kung hindi niya natikman ang pagkaing katutubo.
Sa Pilipinas, ang pagsusulputan ng mga restoran ay lumilikha ng maraming hanapbuhay at nagbubukas ng oportunidad sa mga bagong negosyante. Ang nagluluto ay hindi na tinatawag na kusinero o cook, kundi chef. Ito ang katunayan ng pag-angat nila sa hagdan ng propesyon.
Noong Setyembre, binanggit ng Agencé France Presse si Cristeta Comerford, na nagsimula bilang assistant chef sa White House sa administrasyon ni Bill Clinton noong 1995 pagkatapos mamasukan sa malalaking hotel sa US.
Ayon sa ulat na “Philippine cooks take over the world’s kitchens,” hinirang si Comerford bilang executive chef ni Laura Bush, ginang ni Pangulong George W. Bush, noong 2005. Namalagi siya sa nasabing posisyon kahit maging pangulo na si Barack Obama.
Ayon pa sa AFP, may 2,000 paaralan, pribado man o publiko, ang nag-aalok ng mga kurso sa pagluluto sa Pilipinas. Batay sa datos ng pamahalaan, sinabi ng AFP na halos 72,000 head chef ang kabilang sa 180,000 Pilipino na pumasok sa mga barko sa iba’t ibang dako sa daigdig mula 2010 hanggang 2014.
Sa nasabi ring panahon, may 65,000 Pilipino ang namasukan sa mga kusina ng mga hotel at restoran sa ibang bansa, ayon pa sa AFP. (MANNY VILLAR