NAGLABAS na ng statement sa media ang mga apo ni Amalia Fuentes tungkol sa naging kalagayan ng dating movie queen na napabalitang na-stroke habang nagbabakasyon sa South Korea.
Bago lumabas ang statement nina Alyanna, Alfonso at Alyssa Martinez, mga apo ni Amalia kina Liezl Sumilang (SLN) at Albert Martinez, kumalat at naging usap-usapan sa social media ang sinapit ng aktres. Nakumpirma sa pahayag ng magkakapatid na dumanas ang kanilang lola ng “ischemic stroke” noon pang Oktubre 9, habang nasa South Korea.
Nakita ng kaibigan na walang malay si Amalia sa kanilang tinutuluyang hotel at agad siyang dinala sa kalapit na ospital. Sa intensive care unit namalagi si Amalia. Pagkatapos ng tatlong linggong confinement, naging stable ang kalagayan ng aktres at siya ay pinayagan ng Korean doctors na makabiyahe pabalik ng Pilipinas para sa patuloy na gamutan.
Balitang sa St. Luke’s Hospital naka-confine si Amalia sa ngayon at patuloy pa ring inoobserbagan ang kalagayan.
Sa pahayag ng magkakapatid na Martinez, “We were informed by her doctors that she can hopefully leave the hospital in two weeks, she will continue her recuperation at home and will be undergoing extensive therapy soon after.”
Humihingi ng dalangin ang mga kaanak ni Amalia para malampasan ang kanyang pinagdaraanan ngayon. (ADOR SALUTA)