Mahigpit na binabantayan ng mga health personnel sa lalawigan ng South Cotabato ang dalawang munisipalidad dahil sa paglutang ng mga kumpirmadong kaso ng sakit na chikungunya nitong mga nakalipas na linggo.

Sinabi ni Dr. Rogelio Aturdido Jr., hepe ng South Cotabato Integrated Provincial Health Office (IPHO), noong Martes na pinaigting na nila ang disease surveillance activities sa mga bayan ng T’boli at Polomolok matapos dalawang tao ang nasuring positibo sa chikungunya.

“Our surveillance activities are currently ongoing and we’re doing everything to prevent another chikungunya outbreak,” aniya sa isang media forum.

Ang tinutukoy ni Aturdido ay ang outbreak ng viral disease noong Hunyo 2013 sa Koronadal City at bayan ng Tampakan na nakaapekto sa tinatayang 700 residente.

Ayon sa World Health Organization’s (WHO) Media Center, ang chikungunya ay isang viral disease na ikinakalat ng lamok at nagdudulot ng lagnat, matinding pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan, sakit ng ulo, pagduduwal, pagkapagod at rashes.

Kauna-unahang abogadong Mangyan, pumanaw na!

Ang sakit, ayon sa WHO, “shares some clinical signs with dengue, and can be misdiagnosed in areas where dengue is common.”

Idinagdag na wala pang lunas para sa chikungunya. (PNA)