STOCKHOLM (AP) — Ang evacuation ng napakaruming Roma camp ngayong linggo ang nagpuwersa sa Sweden na harapin ang nakababahalang bagong katotohanan: Sa unang pagkakataon sa loob ng maraming henerasyon, nasaksihan ng mayamang nasyon ang mga taong naninirahan sa matinding kahirapan, nang walang basic amenities gaya ng elektrisidad at tubig.
Natutulog sila sa mga lansangan, kinukumutan ng mga karton, o nakasilong sa ilalim ng pinagtapi-tagping plywood, lata at plastik. At nabubuhay sa pamamasura.
Hanggang kamakailan, nakakikita lamang ang mga Swede ng ganitong kahirapan sa kanilang mga biyahe sa ibang bansa o sa mga black-and-white na litrato mula noong ika-19 siglo, bago ang bansa ay naging isang semi-socialist society na bantog sa napakanipis na agwat ng mayaman at mahirap.
Ngayon ay mayroon nang mga namamalimos sa lansagan. Karamihan ay mga Roma, kilala rin bilang mga Gypsy, mula sa Eastern Europe na dating naninirahan sa mga bansa sa Mediterranean ngunit lumipat sa hilaga dahil sa lumalalang kagipitan sa pera.
“We are not used to having to see this type of deep poverty. We’ve worked methodically for the past 100 years to get rid of it,” sabi ni Martin Valfridsson, na itinalaga ng gobyerno upang pamahalaan ang mga pagsisikap na harapin ang problema.